Nagsama-sama ang tatlong henerasyon ng mga 'Sang'gre' para ipagdiwang ang kaarawan ni direl Mark Reyes na siyang nasa likod ng "Encantadia" series.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend," sinabing kabilang sa present sa birthday celebration ni direk Mark ang bagong grupo ng mga Sang'gre na sina Bianca Umali, Kelvin Miranda, Faith Da Silva at Angel Guardian.

Si Iza Calzado naman ang naging kinatawan ng 2005 Sang'gres, habang kasama rin sina Glaiza De Castro, Sanya Lopez, at Kylie Padilla, na mga Sang're sa 2016 remake ng Encantadia.

"I am very happy again na magkakasama kami ng mga Sang'gre kasi bibihira talaga na makumpleto kami nang hindi work related kung baga yung gagawin namin," saad ni Faith, na gaganap bilang si Flamarra, anak ni Pirena, sa bagong yugto ng 'Encantadia Chronicles: Sang'gre."

Dumalo rin si Ruru Madrid, na gumanap bilang si Ybarro sa 2016 remake, kasama ang kaniyang nobyang si Bianca.

"I'm very happy na naging parte ako nung 2016 and now si Bianca ang gaganap na Sang'gre Terra nakakatuwa kasi ganoon kalaki yung proyekto and pinaghahandaan," ani Ruru.

Nakisaya rin sina Carla Abellana at Gabby Eigenmann na mula sa "Voltes V: Legacy," na si direk Reyes din ang namahala.

"I think its better to have a get together and check on everyone else and have a milestone," sabi ni direk Mark.

Dumalo rin sa kasiyahan sina GMA Executives Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes at Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable.

Sa bagong Encantadia, gaganap si Bianca bilang si Terra, ang tagapag-ingat ng Brilyante ng Lupa; si Faith bilang si Flamarra, ang napag-alaga ng Brilyante ng Apoy; Kelvin bilang si Adamus, ang bagong tagapag-ingat ng Brilyante ng Tubig; at Angel bilang si Deia, ang tagapamahala ng Brilyante ng Hangin. —FRJ, GMA Integrated News