Inihayag ni Paolo Contis na masaya siya para sa noontime program na “It’s Showtime” na may bago nang tahanan at ipapalabas na rin sa GMA-7 simula sa April 6.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing kabilang si Paolo sa mga Sparkle artist na dumalo sa birthday celebration ng mga kapwa niya Kapuso na nagdiwang ng kaarawan sa buwan ng Pebrero at Marso.

Natutuwa ang aktor na nakasalamuha niya ang iba pang Sprakle artists.

“Dapat nagkakila-kilala lahat ng mga actor at least when they get to work together magkakakilala na kayo,” pahayag niya,

Kabilang sa 26 celebrants sa nasabing mga buwan sina Glaiza de Castro, Paolo, Klea Pineda, Nadine Samonte, Rocco Nacino, Sherilyn Reyes, at marami pa.

Nang matanong si Paolo tungkol sa nangyaring contract signing kamakailan para maipalabas sa GMA-7 ang “It’s Showtime,” sinabi ng actor na bukas siya na makatrabaho ang mga host sa naturang programa dahil kaibigan niya ang marami rito kabilang sina Ogie Alcasid, Vhong Navarro, at si Vice Ganda.

“Oo, work is work,” tugon ni Paolo kung open siyang mag-guest sa episode. “And I’m very happy na mayroon silang lugar.”

Bukod sa GMA-7, patuloy pa rin mapapanood ang "It's Showtime" sa GTV.-- FRJ, GMA Integrated News