Inihayag ni Patrick Garcia na maituturing niyang “worst ridiculous rumor” tungkol sa kaniya nang paghinalaan siyang beki.

“Worst ridiculous rumor about you?” tanong ni Tito Boy Abunda kay Patrick sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

“Na bakla ako,” tugon ni Patrick.

Sa panayam ng King of Talk, inilahad ng aktor kung paano niya hinarap ang usapin na ito.

ADVERTISEMENT

“Para sa akin it was brief, [maikling insidente] lang. Somebody wrote it na parang ‘Ha? Ako?’” kuwento ni Patrick.

“Parang ganu’n lang, then it just… nawala,” pagpapatuloy niya.

Tinanong din ni Tito Boy kung napagdaanan din ito ni Paolo Contis, na kasabay na guest ni Patrick sa programa.

“Wala nga eh!” biro ni Paolo. “Sana nga ‘yon naman ang bagong chismis sa akin eh.”

Nakilala si Patrick na isa sa mga 90s heartthrob, na naging karelasyon noon ni Jennylyn Mercado, at nagkaroon sila ng isang anak na si Alex Jazz.

Kinalaunan, ikinasal si Patrick kay Nikka Martinez, at mayroon na silang apat na anak.

Nagbabalik sa pag-arte si Patrick matapos magpahinga ng apat na taon sa pelikulang "Journey," kasama sina Paolo at Kaye Abad na ipalalabas sa Netflix.--FRJ, GMA Integrated News