Ibinahagi ni David Licauco na naging maayos ang isinagawa sa kaniyang sleep apnea surgery.

Sa video na inilabas ng Sparkle, na mapapanood din sa ulat ng GMA News Saksi, nagpasalamat si David sa fans na nagdasal para sa kaniyang paggaling.

"Hi everyone, sa lahat ng mga sumusuporta sa 'kin, I super appreciate you guys for praying for me for my operation," sabi ni David.

"And sana happy kayo lahat. Okay na 'yung prayers, focus na kayo sa mga sarili niyo," dagdag ng Pambansang Ginoo.

Hindi na nagbahagi pa ng karagdagang detalye si David hinggil sa pinagdaanan niyang operasyon.

 

 

Nauna nang inilahad ni David na plano na niyang ipaopera ang kaniyang sleep apnea pagkatapos ng TV series nila ni Barbie Forteza na "Maging Sino Ka Man."

Ang sleep apnea ay sleep disorder na tumitigil kung minsan ang paghinga ng pasyente habang natutulog.

Tinatrabaho ngayon ni David ang "Pulang Araw" kasama sina Barbie Forteza, Alden Richards at Sanya Lopez.

Mayroon din siyang upcoming film kasama si Barbie na "That Kind of Love." --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News