Kinagiliwan ng netizens ang video ni Gabbi Garcia na nag-ala-beauty queen ang aktres, at nagkunwaring pasok sa Top 15 ng Miss Universe Philippines. Hudyat na ba ito ng pagsali niya sa beauty pageant?

Sa kaniyang Instagram reel, na mapapanood din sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Miyerkoles, makikita si Gabbi na tila “in her beauty pageant era” suot ang isang red swimsuit na may kasamang sarong, isang national costume, at isa sparkling na emerald green na evening gown.

Dahil dito, maraming netizens ang napahanga sa kaniyang IG reels.

Ngunit paglilinaw ni Gabbi, “CHAROT! Next time na yan.”

“Host lang ako. See you Miss Universe Philippines!” pag-anunsyo ng Sparkle actress.

Isa si Gabbi sa nakatakdang mag-host ng Miss Universe Philippines coronation night na gaganapin sa Miyerkules ng gabi.

“It’s my first time. Nakaka-excite, at the same time siyempre konting kaba. It’s one night where everybody’s really cheering for women, so I would love to be part of it,” ani Gabbi.

Maliban sa mala-beauty queen niyang video, may pasilip din si Gabbi ng kaniyang rehearsals kasama ang kaniyang co-hosts na sina Tim Yap at Miss Universe 2022 R'Bonney Gabriel.

Makakasama rin nina Gabbi sina Alden Richards at Emmi award-winning producer-host-advocate Jeannie Mai.

Mapapanood sa Linggo, Mayo 26, ang delayed telecast ng coronation sa Kapuso Network, 9 a.m. nationwide at 9:45 a.m. sa Central at Eastern Visayas.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News