Ang pambato ng Bulacan na si Chelsea Manalo ang itinanghal na Miss Universe Philippines 2024!

Sa ginanap na coronation night na idinaos sa Mall of Asia Arena nitong Miyerkules ng gabi, nangibabaw si Manalo sa 52 pang kandidata na kinatawan mula sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee ang nagpasa ng korona kay Manalo.

Kakatawanin ni Manalo ang Pilipinas sa Miss Universe pageant na gaganapin sa Mexico.

Samantala, si Stacey Gabriel ng Cainta ang napiling first runner-up, habang si Ahtisa Manalo ng Quezon Province ang second runner-up.

Ang pambato ng Baguio na si Tarah Valencia ang third runner-up, si Christi McGarry ng Taguig ang fourth runner-up.

Nakapasok sa top 10 sina:

    Kris Tiffany Janson, Cebu
    Alexie Brooks, Iloilo
    Chelsea Manalo, Bulacan
    Christi McGarry, Taguig
    Victoria Vincent, Bacoor
    Cyrille Payumo, Pampanga
    Ahtisa Manalo, Quezon Province
    Stacey Gabriel, Cainta
    Anita Rose Gomez, Zambales
    Tarah Valencia, Baguio

Mula sa nasabing listahan, limang kandidata ang natira hanggang sa mahirang na Miss Universe Philippines 2024 si Manalo. -- FRJ, GMA Integrated News