Inilahad ni Ogie Alcasid na nagkaroon siya ng tampo sa panganay na anak na si Leila Alcasid nang magdesisyon itong makipag-live in sa rapper na si Curtismith.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, kinumusta ni Tito Boy si Ogie tungkol sa pagiging ama.

“Kay Leila, ako ay naghihintay. Kasi mukhang, hindi ko alam, parang mag-aasawa na yata ‘yung panganay ko,” sabi ni Ogie.

Plano sana ni Ogie na makabawi kay Leila at mas maging close pa rito.

“Oo naman, nagtampo ako. Kasi itong buong panahon na naghintay ako, kasi hindi naman natin maipagkakaila na hindi siya lumaki sa akin. So noong time na biglang nag-isip siya na tumira na rito sa Pilipinas, sabi ko ‘Ito ‘yung pagkakataon magiging close kami, magiging magkasama kami.’  Hanggang sa panahon na mag-aasawa na siya. ‘Yun nga lang, meron pala silang ibang plano,” anang singer-songwriter.

Nagkausap na sina Ogie at Leila tungkol dito, at sinabing nirerespeto niya ang desisyon ng anak.

“Sinabi ko ‘yung saloobin ko. At buo naman nilang tinanggap. ‘Yun nga lang, sila ay adults na eh. ‘Kung gusto niyong mag-adulting, pababayaan ko kayo.’ Wala tayong magagawa bilang magulang,” sabi ni Ogie.

“Like what you say, it is what it is,” pagpapatuloy ni Ogie.

“May mga pagsisisi ako siyempre bilang ama at sa pamilya namin, marami akong pagkukulang, pero pilit kong pinagbabawian,” sabi pa niya.

Anak ni Ogie si Leila at kapatid nitong si Sarah sa unang asawa na si Michelle Van Eimeren.

Anak naman ni Ogie si Nate kay Regine Velasquez.-- FRJ, GMA Integrated News