Sa Instagram post, ibinahagi ni Danica Sotto na sumailalim siya sa operasyon para tanggalin ang kaniyang gallbladder.

Sa naturang post ng aktres, makikita ang kaniyang larawan habang nakaratay sa ospital ay may nakasaad na "goodbye gallbladder" na may kasamang emoji na kumakaway.

On Instagram, she shared snaps from her “life lately,” including a photo of herself lying in a hospital bed.

“Feeling much better a week after cholecystectomy (gallbladder removal surgery). They had to remove my gb due to chronic pain and gallstones. If you have experienced gallbladder pain you know what I’m talking about. Sakit talaga siya diba?!” saad ni Danica sa caption.

Ang gallstones ang namuo o tumigas na likido na inilalabas ng gallbladder. May iba't ibang dahilan kung bakit ito nangyayari gaya ng pagtanda at genetics.

Nagpasalamat si Danica sa kaniyang pamilya at mga kaibigan na nagdasal para sa kaniya, at sa kaniyang mga “angels” sa bahay.

“Extra effort sila since I cannot carry our baby Luc yet,” lahad ng aktres. “We also made it to Mic’s game last Sat. Super happy we made it kahit medyo sore pa.”

Sa huli, nag-iwan ng positibong paalala si Danica: “Life is full of surprises but we can choose to be joyful in the midst of life’s challenges.”

Kamakailan lang, inihayag ni Danica na napikon siya sa intriga ng umano'y pambabae ng kaniyang mister na si Marc Pingris, at naiugnay pa tungkol dito ang isa niyang post.

Noong kainitan ng alegasyon, sinabi ni Danica sa Updated With Nelson Canlas podcast, na nag-post siya ng quote tungkol sa betrayal at loyalty sa kaniyang Instagram Stories. Pero paglilinaw niya, ibang tao ang kaniyang pinatutungkulan sa post.

Mayroong tatlong anak ang mag-asawa na sina Jean Michael, Anielle Micaela, at Jean-Luc.

 

 


— FRJ, GMA Integrated News