Single and "ready for occupancy" ang status ng lovelife ng dating Viva Hotbabes member na si Sheree Bautista. Sa panayam ng cooking talkshow na "Lutong Bahay," inihayag ng aktres ang kaniyang pinakamimithi sa buhay na maging isang "maybahay."

Sa panayam ng mga host na sina Mikee Quintos at Kuya Dudut, ibinahagi ni Sheree ang kaniyang pangarap na, "I just wanted to be a wife."

Ngunit hindi umano ito nangyari sa huli niyang karelasyon na nauwi sa hiwalayan matapos ang walong taon na pagsasama nila ng dating nobyo.

BASAHIN: Sheree Bautista, naging miyembro ng Viva Hotbabes dahil kay Patricia Javier

Ito umano ang pinakamatagal na relasyon niya matapos silang maghiwalay ng singer na si Gian Magdangal, na ama ng kaniyang nag-iisang anak.

Pagbahagi ni Sheree, magkabangga ang pananaw nila ng dating nobyo na gusto na lang magkaroon ng anak ngunit ayaw nang magpakasal dahil galing na sa diborsiyo.

"Married na siya before nag-divorced na siya and then ayaw na niyang mag-asawa, gusto niya lang ng anak," ani Sheree.

"Trauma siya sa marriage, trauma ako sa pagiging mommy na hindi pa kasal. Gusto ko bago muna ako magkaanak ulit, gusto ko magpakasal muna," paliwanag niya.

Sinabi pa ni Sheree na hindi magiging madali para sa kaniya na magpalaki ng panibagong anak nang hindi niya nakakamit ang kaniyang pangarap na maging isang ganap na maybahay.

Bagaman naging emosyonal nang balikan ang naturang relasyon sa dating nobyo, sinabi ni Sheree na masaya siya ngayon sa kaniyang buhay.

Ayon pa kay Sheree, maganda rin ang co-parenting setup nila ng dati niyang partner na si Gian para sa kanilang anak na 16-anyos na ngayon.

"We're very good friends. Natutuwa ako ngayon sa relationship namin ni Gian kasi parang yung concert ko I guested him in my concert. I genuinely feel na we get along," patuloy niya.

Nagdi-dinner din umano sila ni Gian kasama ang kanilang anak.

Sa naturang panayam din, ibinahagi ni Sheree na ang aktor na si Onemig Bondoc ang naging una niyang naging karelasyon sa showbiz. -- FRJ, GMA Integrated News