Matapos ang halos isang dekada, nagbabalik-tambalan ang mag-asawang sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo para sa kanilang unang Kapuso action-drama series. Ang couple, may paliwanag kung bakit natagalan ang kanilang muling pagsasama sa proyekto.
“Maganda siya kasi iba, bago, first time naming gagawa ng gano’ng klaseng genre. Kahit kaming dalawa na-excite kami nu'ng nalaman namin na iba siya sa mga nagawa namin na projects noon,” sabi ni Jennylyn sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Martes.
“Kailangan namin talaga paghandaan 'yung mga sarili namin, kailangan namin i-ready 'yung mga katawan namin dahil marami kami 'yung mga eksena na gagawin dito, mag-airwire ng mga stunts, mga fight,” sabi naman ni Dennis.
Ayon kina Jennylyn at Dennis, natagalan ang kanilang pagtatambal dahil hinintay muna nilang dumating sa tamang edad ang bunso nilang si Dylan.
“‘Yung baby namin, at least kahit pa paano ngayon, mas kampante na kami na iwan siya dahil alam na namin na kaya na siya ng mga mag-aalaga sa kaniya,” sabi ni Dennis.
“Sabi ko nga, hindi ako mag-work hangga’t hindi pa dumarating 'yung point na nakakapagsalita na at nakakasumbong na siya. Para alam ko na kung ano 'yung mga nangyari sa araw niya. Kasi ngayon, marunong na talaga,” sabi naman ni Jen.
Kinagigiliwan sina Jen at Dennis dahil sa hatid nilang kilig at kulitan sa TikTok, na dadalhin naman nila sa telebisyon.
Taong 2015 pa ang huli nilang Kapuso drama series na “My Faithful Husband.
Inspired ang Jen-Den na gawin ang kanilang unang action team up at sisiguraduhin nilang ipu-push nila ang limit ng isa't isa.
Makakasama nina Jen at Dennis sina Roi Vinzon, Al Tantay, Zoren Legaspi at Allen Dizon.
Kasama rin nila sina Nova Villa, at ang beauty queen-actress na si Marina Benipayo.
Balik-Kapuso naman sina Sam Pinto at Joross Gamboa, at iba pang mga baguhang aktor.
“Drama ba ‘to? Paano na ngayon 'yung comedy ko? Action? Kaya ko 'yun. Sabi nga ni direct, ano daw eh, meron daw akong double. Ayoko mag-double,” biro ni Nova.
“Mas masarap laruin 'yung drama, action, comedy. Kasi sa mga tao ngayon, ang hinahanap nila 'yung kung paano mo titimplahin 'yung mga genre and paano mo i-deliver at ikukuwento. ‘Yun 'yung exciting du’n,” sabi ni Joross.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News