Inihayag ni Diana Zubiri na alam ng kaniyang asawa na si Andy Smith na marami siyang fans na lalaki sa bansa. At kahit kasama niya ang mister, may mga fans na nagpapa-picture sa kaniya kahit kasama rin ang kanilang mga misis.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, ikinuwento ni Diana na may mga pagkakataong nagpapa-picture pa ang mga kalalakihan sa kaniya kahit kasama niya si Andy.
At kung minsan, ang mga misis pa ng mga mister ang nakikiusap na magpakuha ng larawan kasama si Diana.
“Minsan nga, kasama ko siya nagpapa-picture. ‘Uy, idol ka ng asawa ko.’ Andito din ‘yung asawa niya. Ay ang awkward pero okay,” natatawang kuwento ni Diana.
Tinanong ni Tito Boy kung ano naman kaya ang reaksyon ni Andy sa mga lalaki na nagpapa-picture na kasama siya.
“Proud siya. Tinanong ko siya eh. Proud siya,” ayon sa aktres.
Dating napanood si Diana sa mga sexy movies, at ilang beses na naitampok sa mga men’s magazine. Naging kontrobersiyal din ang sexy photo shoot niya noon sa EDSA flyover sa Ortigas na naka-bikini siya.
Ngayon, napapanood si Diana sa Kapuso Prime Series na "Mga Batang Riles," na kabilang sa mga bida si Miguel Tanfelix.
"Thank you din sa pag-aabang niyo sa 'kin sa 'Mga Batang Riles' dahil ito na po, puwede ko nang sabihin na hindi namatay si Maying. So kailangan n'yo na po akong abangan sa mga susunod na araw," saad ni Diana sa kaniyang karakter.
Sa nakaraang mga episode, inakalang nasawi si Maying sa sunog na naganap sa Sitio Liwanag.
Ang seryeng "Ang Mga Batang Riles" ang nagsilbing TV comeback ni Diana matapos ang matagumpay na seryeng original "Encantadia" na kaniyang kinabilangan kung saan gumanap siya bilang si Sang'gre Danaya. --FRJ, GMA Integrated News