Kinumpirma ni Boobay na totoong nagkapikunan sila noon ni Karen delos Reyes sa dating show na "Extra Challenge."

"Yes po Tito Boy, na hindi ko rin ini-expect," sabi ni Boobay sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes nang tanungin siya tungkol sa insidente.

Binalikan ni Boobay ang pangyayari sa Extra Challenge noong 2012, na isa siya sa co-host ng programa. Sinadya raw niyang maliin ang pagtawag sa apelyido ni Karen na ginawa niyang "delos Santos" sa halip na "delos Reyes."

Paliwanag ni Boobay, gusto niya lamang biruin si Karen noon, na nakilala sa sikat na fast food commercial kung saan tinatawag si Karen ng kaniyang lolo bilang si "Gina" sa halip na tunay niyang pangalan na "Karen."

"Ako tinry ko naman na i-feed siya sa apelyido naman, ang in-expect ko na sasabihin niya, 'delos Reyes po' (may magalang na pagkabigkas)."

Ngunit hindi umayon ang mga pangyayari sa inaasahan ni Boobay at tila napikon si Karen, at isinigaw ang apelyido nito na "delos Reyes."

Humantong ito sa sagutan ng dalawa.

"'Yun ang first break ko rin, sabi ko 'Ay hindi ako papayag. Lalaban ako,'" sabi ni Boobay.

Hanggang sa pakalmahin sila noon ni Marian Rivera, na host din ng programa.

"Okay na kami, we're good friends," sabi ni Boobay tungkol sa kanila ni Karen.-- FRJ, GMA Integrated News