Inilahad ni Herlene Budol ang kaniyang naramdaman nang masangkot siya sa kontrobersiya bago matapos ang 2023. Aniya, halos wala siyang kakampi at hinusgahan na siya ng lahat.
“Wala pong nagtanggol sa akin. Lahat po talaga hinusgahan ako,” sabi ni Herlene kay Nelson Canlas sa GMA Integrated News Interviews.
Habang pinagdaraan ang kontrobersiya, naging sandigan daw ni Herlene ang kaniyang pamilya, ang kaniyang namayapang lola at ang Panginoon.
“Doon ko po napatunayan na kahit anong mangyari andiyan ang pamilya mo. Sabi ko, ‘Nay sabihin mo kay Lord, hindi naman po ako masamang tao. Sabihin mo kay Lord, Nay, na nagmahal lang po ako,’” sabi ni Herlene.
Matatandaang nasangkot si Herlene sa intriga matapos kumalat ang umano'y palitan nila ng mensahe ng aktor na si Rob Gomez, na co-star niya sa "Magandang Dilag."
Dahil sa kinasangkutang kontrobersiya noon, pinagtuunan muna ni Herlene ng pansin ang kaniyang trabaho at sarili.
“Parang mas masaya po akong mag-focus muna din po muna sa trabaho ko at sa sarili ko. Kumpara kung mag-focus ako sa mga taong sisirain lang naman ‘yung aking puso,” aniya.
Bukod dito, napatawad niya na rin ang mga nasangkot sa isyu, maging ang kaniyang bashers.
“Thank you for making me strong,” mensahe ni Herlene sa bashers.
Sinabi ni Herlene, na bida sa upcoming Kapuso series na “Binibining Marikit,” na naniniwala siyang pinagpapala ang may mabuting puso. Kaya naman matapos ang pinagdaanang pagsubok, maraming blessings na ang kaniyang natanggap.
Dalawa ang kaniyang leading man sa proyekto, ang bagong Kapuso na si Tony Labrusca at Manhunt winner at Sparkle artist na si Kevin Dasom.
Ayon kay Herlene, si Tony ang una niyang naka-close.
“Si Tony. Obvious naman kasi, hindi ko kaya kausapin kaagad ‘yung AFAM.”
“Inaangkop niya ‘yung sarili niya kahit hindi niya ako maintindihan. Kala mo nga, nagsa-sign language lang kami,” sabi naman ni Herlene tungkol kay Kevin.
Ayon kay Herlene, very relatable ang istorya ng Binibining Marikit at malakas magdala ng good vibes.
“‘Yung Magandang Dilag po last year, ito parang mas pina-light nang kaunti, mas pinasaya, pero alam niyo pong talaga may puso. ‘Yung tipong mas magkadikit si Herlene at si Marikit kumpara kay Gigi ng Magandang Dilag,” sabi niya.
“Ang first week po, masaya. Masaya lang. Makikita nyo dito kung paano makipag-bonding ang isang Marikit sa kaniyang ama. Kung makaka-relate po dito ‘yung mga single father, single mother na talagang nag-aalaga at tinataguyod nila ‘yung kanilang mga anak nang mag-isa,” sabi ni Herlene.
Mapanonood na ang Binibining Marikit sa Pebrero 10 sa GMA Afternoon Prime. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News