Sa pagdiriwang nila ng kanilang ika-12 taong anibersaryo bilang magkasintahan, may madamdaming mensahe si Shaira Diaz para kay EA Guzman. Ito na rin ang huling anibersasyo nilang bilang mag-boyfriend at girlfriend dahil ikakasal na ang dalawa ngayong taon.
Sa Instagram, nag-post si Shaira ng mga larawan nila ni EA na magkasama, pati na ang ilang kuha sa kanilang engagement.
Binigyan-pansin ni Shaira sa post na ito na ang huling taon na ipagdiriwang nila ang kanilang anibersaryo bilang magkasintahan.
"In just a few more months, we'll be saying I do and starting forever as husband and wife," saad ng aktres at "Unang Hirit" host. "Having you by my side has been the greatest gift."
"And now, this is it—the final chapter and the beginning of a lifetime together," dagdag niya. "I can't wait to marry you, Baba [tawag niya kay EA]."
Nagkomento naman si EA sa naturang post ni Shaira at inihayag na, "Napakasarap sayo basahin nito. MAHAL NA MAHAL KITA! HAPPY ANNIVERSARY."
Sa isang panayam sa magkasintahan sa "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi ni Shaira na magiging intimate ang church wedding nila ni EA sa Cavite sa Agosto.
Bagaman nitong nakaraang taon lang inihayag nina Shaira at EA na engaged na sila, sinabi ng dalawa na naganap ang kanilang engagement noon pang 2021.
Sa isang episode ng Unang Hirit nitong nakaraang linggo, sinabi ng magkasintahan na sa Switzerland sila pupunta pagkatapos ng kasal.
Isa hanggang dalawang anak naman ang plano nila.
Sinagot din ng dalawa ang una nilang gagawin pagkatapos ng kanilang kasal. Panoorin sa video.
-- FRJ, GMA Integrated News