Inilahad ni Shayne Sava na may mga taong hindi naniniwala sa kaniyang talento at nagsasabi na hindi siya marunong umarte at "starlet lang."

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ni Shayne na nakatatanggap pa rin siya ng mga kritisismo.

"'Si Shayne, hanggang diyan lang 'yan, hindi 'yan marunong umarte,' 'yung mga ganu'ng bagay. 'Wala 'yan, starlet lang 'yan,'" lahad ng Sparkle actress na produkto ng "StarStruck."

Gayunman, naging emosyonal si Shayne nang sorpresahin siya ni Katrina Halili na may mensahe para sa kaniya.  Ang aktres ang naging mentor ni Shayne sa StarStruck, at kasama niya ngayon sa bago niyang series na "Mommy Dearest."

"Gusto kong sabibihin sa 'yo na masaya ako na nakatrabaho kita. At siyempre, as mentor mo noong StarStruck, sobrang proud ako sa 'yo dahil nakita ko 'yung dedikasyon mo sa trabaho mo, 'yung pagmamahal mo sa trabaho mo. Ituloy-tuloy mo lang 'yun, alam kong malayo pa 'yung mararating mo. I love you," mensahe ni Katrina kay Shayne, na nagsimulang maging emosyonal.

Si Shayne naman, inilarawan si Katrina na "mapang-asar" at "mapagmahal."

"Naiiyak lang ako kasi there are a lot of people po pala na naniniwala sa akin," saad niya.

Bida si Shayne sa Mommy Dearest, na gumaganap bilang si Mookie, isang dalagang may mga seryosong karamdaman mula pa noong pagkabata.

"Actually Tito Boy kapag naiisip ko pa rin na bibida ako sa isang teleserye parang hindi pa rin ako makapaniwala," sabi ni Shayne.

"'Yun ang lagi nilang sinasabi, 'Malayo na pero malayo pa,' kasi ang layo na ng narating ko. Pero marami pa akong kailangang pagdaanan," pag-amin niya. "Everytime sinasabi nila 'yon sa akin, sobrang akong natutuwa."

Mapanonood na ang Mommy Dearest sa Pebrero 24, Lunes hanggang Biyernes ng 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso Stream.--FRJ, GMA Integrated News