Inihayag ni Iza Calzado ang kaniyang mga pangamba kung sakaling dumating ang panahon na pumasok sa mundo ng showbiz ang kaniyang anak na si Deia Amihan.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, binanggit ni Iza ang ilan sa mga posibleng pinakamalalang maranasan ng kaniyang anak sa showbiz, gaya ng mga taong mapagsamantala o maimpluwensiya.
“Ang dami kasing posibilidad. Puwedeng, let's say, hindi dito sa Pilipinas, wala ang protection ko. Let's say lang," saad ni Iza. "Somebody taking advantage of her, somebody powerful, these are all possibilities. Or her getting so lost in the lifestyle. And, you know, these are possibilities. But, hindi ko kasi siya talaga iniisip Tito Boy, masyado,” sabi ni Iza tungkol sa posibilidad na pumasok sa showbiz ang anak.
Ayon kay Iza, panalangin niya ang proteksyon para sa kaniyang anak na maging matatag ito kung sakaling makaranas ito ng mga pagsubok sa buhay.
“Kasi my prayer is this. Because I cannot stop life from happening for her. Not just to her. Life happens for us for a reason. To develop us. My prayer is for God to keep her strong. For her to be resilient. So that whatever happens in life, wherever life takes her, babangon at babangon siya,” sabi ng aktres.
“Kasi hindi natin po mapipigilan ang kung anuman, ang baraha, ang pag-ikot ng mundo. And my prayer is that she does things with the lightness of being that I got from my father and that I have inside me. Despite the struggles, have that lightness of being,” dagdag ni Iza.
Ipinagdiwang ni Deia ang ikalawang kaarawan nito noong Enero. Kinuha nila ang pangalan nito mula sa kaniyang sikat na karakter sa GMA fantasy series na Encantadia na si Sang'gre Amihan.
Ikinasal sina Iza at asawang si Ben Wintle noong 2018. Inanunsyo niya ang kaniyang pagbubuntis sa kaniyang ika-40 kaarawan.-- FRJ, GM Integrated News
