Ibinahagi ni Priscilla Meirelles ang kaniyang pinagdaanang weight loss journey at ang naranasang kondisyon sa kalusugan na endometriosis.
"One of the realizations that came to me was that kailangan ko talaga na bumalik sa dating ako, ang Priscilla. Kasi through the process andami nangyari including a health condition that I had that was endometriosis," pagbabahagi niya sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.
Ayon sa Mayo Clinic, nangyayari ang endometriosis kapag ang tissue "similar to the inner lining of the uterus grows outside the uterus."
Gaya ng uterine tissue, kumakapal ang tissue na ito at dumudugo na magdudulot ng sakit tuwing may regla. Maaaring mabuo ang mga cyst na tinatawag na endometriomas kapag naapektuhan na ang mga obaryo.
Kasama sa mga sintomas nito ang sakit tuwing nireregla, sakit sa tuwing o pagkatapos ng pakikipagtalik, sakit sa pagdumi o pag-ihi, labis na pagdurugo, at maging baog o hindi na magkakaanak.
Dahil sa kondisyon, kinailangang operahan si Priscilla para alisin ang cyst sa kaniyang abdominal area.
Dahil dito, marami siyang natutunan, kagaya ng kung ano ang makabubuti sa kaniyang katawan, ano ang nagdudulot ng inflammation at ano ang nagpapagulo sa kaniyang hormones.
"I decided that [tatanggalin] ko lahat ng mga pagkain na hindi maganda sa katawan ko," ani Priscilla, na sinabing inalis niya ng processed sugar sa kaniyang diet.
Kumakain pa rin siya ng carbs, ngunit mga potato, sweet potato, at cassava lamang. Umiiwas na siya sa mga produktong dairy.
"When I had my problem, the cyst, dairy and sugar they trigger the issue so I've decided to take out also lahat ng mga dairy because it causes inflammation sa katawan ng isang babae," paliwanag niya.
Bumalik din sa pag-e-ehersisyo si Priscilla, na hindi niya magawa ng huling limang taon dahil sa kaniyang kondisyon. Kasama ngayon sa kaniyang workout routine ang weightlifting.
Sa nakaraang pitong buwan, ibinahagi niyang nabawasan siya ng 45 pounds, na kaniyang limit.
“I’m investing time on myself health-wise, you know, physical health, mental health. I have a wonderful relationship with my daughter, and whatever happens in terms of what is my status right now, all I can say is that technically, I’m still married,” sabi niya. -- FRJ, GMA Integrated News