Nabiktima ng snatcher ang Kapuso comedian na si Betong Sumaya at natangayan ng cellphone sa Quezon City.

Sa Facebook, sinabi ng aktor na nangyari ang insidente dakong 1:00 am nitong Lunes sa Tomas Morato Avenue habang nagbo-book ng kaniyang masasakyan.

"Guys na-snatch ang cellphone ko sa Tomas Morato QC kaninang mga 1am. Habang nagbo-book ako ng Grab biglang may motor na dumaan sa harap ko at ang bilis ng pangyayari 'di ko na siya nahabol. Gamit ko ngayon ay ang Ipad ko," saad ni Betong.

Inihayag pa ni Betong na nagpatulong siya sa Kamuning Police Station para ma-track ang kaniyang cellphone gamit ang "find the device."

Na-locate ito sa Sta. Mesa, Manila pero kinalaunan ay hindi rin nabawi.

"Ingat tayo guys, walang pinipiling lugar at oras ang mga masasamang loob," paalala ni Betong.

Napapanood ngayon si Betong sa "Bubble Gang," at kabilang sa cast ng pelikulang "Samahan ng mga Makasalanan" na kinabilangan din nina David Licauco at Sanya Lopez. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News