Naghain ng not guilty plea ang direktor na si Darryl Yap sa kasong cyberlibel na isinampa laban sa kaniya ng actor-TV host na si Vic Sotto.

Inihayag ito ng abogado ng direktor na si Atty. Raymond Fortun, kaugnay ng isinagawang arraignment o pagbasa ng sakdal sa kaniyang kliyente nitong Martes sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 203. 

Ayon kay Fortun, sa Agosto 19 ang susunod na pagdinig sa kaso.

Kinasuhan si Yap ng cyber libel sa ilalim ng Article 353 at 355 ng Revised Penal Code, na inamyendahan kaugnay sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 

Nag-ugat ang kaso sa teaser ng upcoming film ni Yap na, “The Rapists of Pepsi Paloma,” na ipinakita noong nakaraang Enero. 

Sa naturang teaser, binanggit ang pangalan ni Vic at inakusahang ginahasa si Pepsi.

Itinanggi ng kampo ni Vic ang naturang alegasyon.

Dating sexy actress si Pepsi, o Delia Smith sa tunay na buhay, na pumanaw noong 1985 sa edad na 18, tatlong taon matapos niyang sabihin sa korte na hindi totoo ang kaniyang alegasyon na ginahasa siya. -- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News