Sinagot ng “Batang Riles” actor na si Raheel Bhyria ang tanong kung nanliligaw ba siya kay Jillian Ward, na una niyang nakatrabaho sa "Abot-Kamay na Pangarap."

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, naging guest ang “Sitio Liwanag” boys na sina Miguel Tanfelix, Kokoy de Santos, Raheel, Anton Vinzon at Bruce Roeland.

"Actually, bago pumasok si Jillian sa 'Mga Batang Riles,' grabe 'yung bonding namin eh. Grabe. As in, laging sama-sama kami. Action, after ng fights, hindi kami maghiwalay kahit pack-up ng isa, maghihintay 'yan," panimula ni Kokoy.

Ngunit nang maging guest si Jillian, tila nagbago na raw si Raheel.

"Dumating si Jillian, Tito Boy. Etsapuwera [na] kami. Noong time na 'yon, okay lang. Binibigyan namin siya ng time," sabi pa ni Kokoy.

Biniro pa ni Kokoy si Raheel na naapektuhan siya sa pagbabago nito mula nang maka-bonding si Jillian.

"Ta's bigla siyang lumapit sa 'min, 'Boy, na-miss ko kayo ah.' Nakakatampo, pare," sabi ni Kokoy.

Gayunman, nagpaliwanag si Raheel na hindi niya binalewala ang kaniyang mga katropa, at nagpaliwanag sa tila “special treatment” niya kay Jillian.

"Hindi ko kayo initsepwera. Ano kasi siya eh, bisita natin, 'di ba? Hospitality. Kailangan nating iparamdam sa kaniya, na parang komportable po siya at safe po siya," paliwanag ni Raheel.

Diretsahang tinanong ni Tito Boy kung nanliligaw ba ang binata sa aktres.

"Hindi po ako nanliligaw. Pero ang ginawa ko po is, bilang respeto po kay Jillian, lalo na tinanggap niya po ako nang maganda at maayos sa 'Abot-Kamay [na Pangarap],' gusto ko rin po i-return 'yung favor," sabi niya.

Sa isang panayam na rin noon sa GMA News 24 Oras,  sinabi nina Jillian at Raheel  na mas naging close sila on at off cam noong nagkatrabaho sila sa series.

Ayon pa kay Jillian, “very good friends” sila ni Raheel.

Dapat namang abangan ang pasabog na final episode ng “Mga Batang Riles” sa Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime. -- FRJ, GMA Integrated News