Masaya at nagpapasalamat sina Charlie Fleming at Esnyr kahit hindi nila nasungkit ang Big Winner spot at naging third placer sa katatapos na "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, inilahad ng CharEs duo ang kanilang naramdaman nang ihayag na ang mga mananalo sa Big Night.

"I really wasn't expecting anything. I was just happy na po na nabalik na nga ko sa bahay at napasama sa Big Four, so I wasn't expecting Big Winner and whatever place we got, sobrang kuntento na po ako. 'Yung pagmamahal nila, Big Winner na po kami dahil dun," ayon sa Charlie.

"Marami pong Big Winner material po sa amin kaya on that night, hindi po ako nag-expect pero siyempre, there's the hope kasi sobrang lapit na namin, ganyan. Super happy sa mga natatanggap na reactions po ng mga tao kasi somehow, super na-appreciate po namin 'yung mga taong ni-ru-root po talaga kami na maging Big Winner," sabi naman ni Esnyr.

Sa kanilang pananatili sa PBB, sina Charlie at Esnyr ang nagsilbing kinatawan ng mga breadwinner, bukod pa sa pagiging kinatawan ng LGBT+ community si Esnyr.

"'Yung main goal naman po talaga namin is makapag-share kami ng kuwento namin sa bahay at maka-influence kami [na] gamitin namin 'yung platform namin sa mga taong nire-represent po namin, para sa mga breadwinner, para sa mga probinsyana, at siyempre para sa LGBTQIA+ community," saad ni Esnyr.

Para sa CharEs, ang Big Tapatan challenge kung saan nakaharap nila ang mga na-evict na housemates ang isa sa mga highlight ng PBB journey, at hindi sila naging handa.

"'Yun po talaga 'yung totoong mga nararamdaman po namin at totoong thoughts po namin about the questions po na naibato po sa amin," ayon kay Esnyr.

"The only thing I told Esnyr was 'Let's be graceful, let's handle it with grace,' na hindi kami mang-iinsulto on whatever emotions we will feel. I'm proud of us kasi even if we raised our voices to be heard, we've never given an insult to each and every one of them kasi we still handled it with love po," pahayag ni Charlie.

Sa kanilang pananatili sa Bahay ni Kuya, tinawag si Charlie na immature, habang si Esnyr, nasabihan naman na playing safe.

"Yes, I'm misunderstood but I hope people know that in my generation, a lot of us are misunderstood also, and if they could really give people chances, if they could really give the teens in my generation chances po, they would really understand them and get to see to see the good spots in them just like how they gave me a chance inside the house po," ayon kay Charlie.

"Hindi ko talaga alam pa'no po nila nasabing playing safe ako kasi siguro po ako lang po 'yung walang kalaban sa bahay. Feeling po siguro talaga nila na—kasi ako, kilala po talaga ko na nagbi-bring ng light sa house," paliwanag naman ni Esnyr.

Sinabi rin ni Esnyr na ang hangad niya ay magbigay ng positivity sa loob ng Bahay ni Kuya at magpasaya.

Ibinahagi rin ni Esnyr na naging daan ang pagpasok niya sa PBB para maayos ang hindi pagkakaunawaan sa kaniyang pamilya.

"It's a blessing in disguise po for me kasi pumasok po ako nang hindi po OK 'yung pamilya po namin sa mga pamilya nila, tapos lumabas po ako na sobrang OK na po kaming lahat," saad ni Esnyr.

Muling magsasama-sama ang 20 housemates sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa isang event na tinawag na "The Big ColLOVE" fancon sa August 10, sa ganap na 8 p.m., sa Smart Araneta Coliseum.

Magkakaroon din ng season 2 ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition." — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News