Inabisuhan ng Malacañang ngayong Huwebes ang mga Pilipinong naninirahan sa California, USA na maging alerto at mapagmatyag sakaling magsagawa ang pag-atake ang Iran sa estado bilang paghihiganti sa nangyayaring kaguluhan ngayon sa Middle East.

Una rito, naglabas ng abiso ang Federal Bureau of Investigation (FBI) at ipinaalam sa kapulisan ng California na sinubukan umano ng Iran na magpalipad ng mga unmanned aerial vehicle (UAV) patungo sa mga hindi tinukoy na target sa estado noong Pebrero.

Nagbabala rin ang FBI sa posibleng mga pag-atake pa ng Iran sa hinaharap.

Sa pahayag ng Presidential Communication Office (PCO) ng Malacañang, sinabi nito na pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa at nangakong magsasagawa ng repatriation o pagpapauwi kung kinakailangan.

Sa isang press briefing, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat seryosohin ang mga impormasyong nagmumula sa law enforcement agencies ng Amerika.

“Kapag may mga ganiyan na impormasyon, kailangan din talagang maghanda ang ating bansa para sa ating mga kababayan,” ani Castro.

“Hindi ito puwedeng isawalang-bahala o tulugan. Kailangan na maging alerto rin tayo kung ano’t anuman ang mangyayari sa ating mga kababayan sa California,” dagdag niya.

Magdadalawang linggo na ang kaguluhan sa Middle East bunsod na pag-atake ng pinagsanib ng puwersa ng US at Israel laban sa Iran, upang pigilan ang nuke program umano ng huli.

Gumanti naman ang Iran at pinupuntirya ng mga missile at drones nito ang mga base militar at interes ng Amerika sa mga bansa sa Gulf region.

Bunsod ng kaguluhan, nakaapektuhan na pandaigdigang suplay ng langis na nagpasirit sa presyo ng mga produktong petrolyo sa iba’t ibang bansa, kasama na ang Pilipinas.

Apektado rin ang pagpapadala ng mga kargamento at paglalakbay sa himpapawid papunta at paalis ng Middle East.—FRJ GMA Integrated News