Ligtas ang Pinoy crew members na sakay ng dalawang barko na binomba sa Persian Gulf na malapit sa Strait of Hormuz, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Huwebes.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na tatlong barko ang iniulat na tinamaan ng mga projectile, o hindi pa matukoy na mga bomba sa nakalipas na 48 oras. Pero dalawa lamang sa mga barkong ito ang may sakay na mga Pilipinong tripulante.

“Yung isang barko, may 21 crew. They are all safe, Filipino crew. And then yung isa, may 17 Filipino crew and they're all safe. And they're being transported to safer port at the moment,” pahayag ng kalihim sa panayam ng Super Radyo dzBB.

“Yung pangatlo is the Thai flagship. So walang Filipino doon,” dagdag ni Cacdac.

Ayon sa kalihim, patuloy nilang minonitor ang sitwasyon ng mga tripolanteng Pinoy sa Middle East region sa harap ng tensiyon na nakakaapekto sa maritime routes sa Persian Gulf.

Sinabi ni Cacdac na may tinatayang 7,313 Pinoy seafarer ang kasalukuyang naka-deploy sa Middle East, na “marked safe” o ligtas sa ngayon.

Nanawagan si Cacdac sa mga shipowner at manning agencies na protektahan ang mga Pilipinong seafarer at igalang ang kanilang karapatang tumangging maglayag sa mga delikadong lugar.

“Patuloy tayong nananawagan sa mga ship owners and manning agencies na protektahan ang ating mga seafarers. Galangin ng kanilang right to refuse sailing. At kapag sila ay tumanggi, bigyan sila ng dalawang buwang sahod at libreng repatriation,” ayon sa kalihim.

Binigyang-diin ng kalihim na kinikilala ang naturang patakaran sa ilalim ng international maritime labor arrangements.

Sa nakalipas na dalawang araw, 110 overseas Filipino workers (OFWs) na ang nakabalik sa Pilipinas mula sa Middle East upang makaiwas sa kaguluhan bunga ng digmaan ng pinagsanib na puwersa ng Amerika at Israel kontra sa Iran.

Naghahanda ang Pilipinas ng chartered flights para maiuwi rin sa bansa ang mahigit 300 Pinoy sa Middle East na nagpahayag ng kagustuhang magpa-repatriate. —Joviland Rita/ VAL GMA Integrated News