Sa pagbisita sa GMA show na "Unang Hirit" ng big winner sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition," binalikan nina Mika Salamanca at Brent Manalo ang ilang tagpo nila sa loob ng Bahay ni Kuya, kabilang ang pagsagot ni Brent na “jojowain” para sa kaniya si Mika.

Sa naturang tagpo sa loob ng Bahay ni Kuya, kausap noon ni Brent ang iba pang kapuwa male housemates nang sabihin niya na si Mika ang jojowain para sa kaniya.

Nang tanungin sa Unang Hirit kung bakit si Mika ang binanggit ni Brent, ipinaliwanag ng binata na, “Si Mika talaga, ever since pa lang, pareho kami ng personality [at] mindset."

“And sobrang importante sa 'kin ‘yun sa magiging jowa ko na pareho kami ng mindset,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Mika na tinanong din siya sa loob ng Bahay ni Kuya nang katulad na tanong pero hindi iyon naiere sa PBB.

Kaya naman tinanong sa "Unang Hirit" ang singer-actress kung sino sa mga male housemate ang jojowain o totropahin para sa kaniya.

“Ikaw [Brent], jojowain,” natatawang sabi ni Mika.

Kasabay nito, ipinaliwanag din nina Brent at Mika kung nag-donate sila ng kanilang napanalunan sa napili nilang charity.

“Kasi before, nagka-task kami na ‘yung mapapanalunan namin, maka-first lang kami, makakapagbigay kami ng P150,000 sa chosen charity namin,” ani Brent. “Kaso lang ang nangyari, rank six kami out of six. Pinaka-last kami.”

“Kaya sabi namin ni Mika, paglabas na paglabas, aabutan talaga namin sila ng tulong,” patuloy niya.—FRJ, GMA Integrated News