Kontrobersiyal ngayon si Quezon City Representative Jesus Manuel “Bong” Suntay dahil sa pagbanggit niya sa pangalan ng aktres na si Anne Curtis upang bigyan ng katwiran ang kaniyang posisyon kontra sa impeachment complaints na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte. Pero sino nga ang naturang mambabatas?
Sa pagdinig ng House Justice Committee nitong Martes, iginiit ni Suntay na hindi basehan para i-impeach si Duterte dahil sa naging pahayag ng huli na ideklara ang sarili na “designated survivor" nang hindi ito dumalo sa State of the Nation Address (SONA) noong July 2024.
Ang "designated survivor" na pinaiiral sa US politics ay patungkol sa isang opisyal ng gobyerno na kasama sa “presidential line of succession” ngunit hindi sumasama sa mga pagtitipon ng mga opisyal.
Layunin nito na manatili siyang ligtas at matiyak na may mamuno sa gobyerno kung sakaling mamatay lahat ang mga opisyal na nakapila bilang hahalili sa presidente kung sakaling hindi nito kayang mamuno o kaya ay pumanaw din.
“The statement being the designated survivor, it’s not illegal, it’s not criminal, in fact it’s a process in the United States. Hindi nga pwede ‘yon [sa Pilipinas] eh. Sinabi lang niya ‘yun. siguro nagpapatawa lang siya,” anang kongresista.
Idinepensa rin ni Suntay ang pahayag ni Duterte na may kinausap na ang bise presidente na papatay sa pangulo kapag may masamang nangyari sa kaniya.
Para ipaliwanag pa ang kaniyang posisyon, dito na binanggit ni Suntay ang pangalan ni Curtis para sa sinasabi niyang “analogy.”
“Lastly, alam niyo minsan, minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis, ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na, nag-init talaga, na-imagine ko na lang kung ano’ng pwedeng mangyari pero siyempre hanggang imagination na lang ‘yon. Pero ‘di naman siguro ako pwedeng kasuhan kung ano ang na-imagine ko eh,” paliwanag niya.
Humingi na ng paumanhin si Suntay sa kaniyang sinabi pero nanindigan siya na walang malisya ang kaniyang naging pahayag.
Bago naging politiko, si Suntay – kongresista ng 4th District ng Quezon City—ay isang negosyante.
Bago naging kongresista, naging konsehal muna si Suntay sa lungsod at naging majority floor leader ng Konseho.
Sa kaniyang panunungkulan sa konseho, naging bahagi si Suntay ng lupon na nag-apruba ng ilang gender-related measures. Kabilang dito ang Bawal Bastos ordinance, isang lokal na batas na nagpaparusa sa sexual harassment at mga mapanirang pahayag sa pampublikong lugar laban sa isang tao, lalo na sa kababaihan.
Ang ordinansa, na naipasa noong 2016, ay kalaunan ay tinukoy bilang isa sa mga lokal na hakbangin na sumusuporta sa pagpapatibay ng Republic Act No. 11313, o ang Safe Spaces Act, na kilala rin bilang pambansang batas laban sa street harassment.
Bilang negosyante, kilala si Suntay sa petroleum and transport sectors. Itinatag niya Cleanfuel, isang fuel company.
Kabilang din siya sa pamunuan ng Philippine National Taxi Operators Association, na kumakatawan sa mga taxi operator at iba pang stakeholder sa transportasyon.
Nagtapos ng law school si Suntay sa San Beda noong 1996, at pumasa sa Philippine Bar sa sumunod na taong 1997.
Samantala, inalis na sa record ng komite ang naging pahayag ni Suntay tungkol kay Curtis.
Minsan na rin naging kontrobersiyal si Suntay noong konsehal pa lang siya nang masangkot siya sa isang insidente ng pagpapaputok at pamamalo umano ng baril sa isang lalaki sa San Juan. -- Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News
