Nabalot ng takot ang isang mag-asawa matapos na may mai-record sa kanilang CCTV camera na boses ng tila bata na nagsabi ng “I love you” sa kanilang kuwarto sa Biñan, Laguna. Ang akala nila noong una, ang anak nila na walong-buwang-gulang ang nagsalita. Saan nga kaya galing ang misteryosong tinig? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang CCTV footage na magkakasama noon sa kuwarto ang mag-asawang Ashley at John, at ang kanilang anak na si Baby Blaire.

Ilang saglit lang, nagulat ang mag-asawa dahil tila nagsabi ng “I love you” ang kanilang baby na bagay na nai-record din sa CCTV.

Gayunman, ipinagtaka nila ito dahil hindi pa nagsasalita ang kanilang anak na walong-buwang-gulang pa lang. At nang panoorin nila ang video, hindi rin bumuka ang bibig ng paslit.

Kuwento ni Ashley, tila may tinitigan din si Baby Blaire sa dressing room matapos marinig ng mag-asawa ang misteryosong tinig.

Ayon pa sa ginang, sila lamang pamilya ang nasa kuwarto, at wala nang ibang bata na nakatira sa kanilang bahay. Magkakalayo rin ang mga bahay sa kanilang lugar kaya imposibleng sa kapitbahay nila nanggaling ng tinig.

“Natakot po ako noon kasi po dito po kasi talaga sa bahay, mayroon po mga ibang mga nagpaparamdam,” pag-amin ni Ashley.

Dagdag ni Ashley, may nakikitang mga batang naglalaro at nakaputi ang kanilang tagamasahe sa tuwing pumapasok ito ng kanilang bahay.

Ang tiyuhin naman ni Ashley na si Ronald Inocencio, may nakita naman daw na bata na edad 13 o 14 na tila nakakadena ang paa na umaakyat sa hagdan.

Mas lalo pang kinilabutan si Ashley nang i-chat siya ng kaniyang tiyahin at sinabing napanaginipan siya nito na naglalaro kasama sa terrace ang pinsan niyang si Tintin, na 10 taon na ang nakararaan mula nang pumanaw.

“Sakto po noong gabing ‘yun, ayon po 'yung time na napaginipan niya po 'yun 'yung may nagsalita ng ‘I love you.’ Doon ko po na-realize na boses nga po pala siya ni Tintin, kaboses niya po,” sabi ni Ashley.

“Noong sinend ko po sa kanila 'yung video, sabi po ng mama niya parang boses nga raw po nu'ng anak niya,” dagdag ni Ashley, na close kay Tintin

Taong 2016 nang bumisita si Tintin, na edad 14 lang noon, sa dentista, bigla na lamang nagdugo ang bibig. Dahil hindi bumuti ang pakiramdam ng dalagita, ipinatingin din nila ito sa albularyo, na nagsabi naman na may nakita itong demonyo.

Magmula noon, nag-iba na umano ang kilos ni Tintin, at tila may kinakausap kapag mag-isa.

Nang minsang ipasyal si Tintin sa bahay nina Ashley, bigla na lang nag-iba ang kilos nito na tila sinasaniban. At makaraan lang ang isang linggo, tuluyan nang binawian ng buhay si Tintin.

Batay sa kaniyang death certificate, leukemia o cancer sa dugo ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Paniwala ng pamilya nina Ashley, muling nagparamdam si Tintin sa pamamagitan ng boses na nagsabi ng “I love you,” na nai-record sa CCTV.

Si Tintin nga kaya ang nadinig nilang nag-I love you? Tunghayan sa video ng KMJS ang pagbisita ng paranormal researcher na si Ana dela Cruz sa bahay nina Ashley para mabigyang-linaw ang misteryo sa likod ng boses na narinig sa CCTV. Panoorin ang buong kuwento.—FRJ GMA Integrated News