Pinabulaanan ng Philippine National Police ang kumakalat online post na anunsyong walang pasok sa trabaho at paaralan ngayong Miyerkoles hanggang Biyernes dahil sa banta umano sa seguridad.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ng PNP na peke ang impormasyon at hindi nanggaling sa anumang awtorisadong ahensiya ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, walang naberipikang anumang security threat ang PNP.
Patuloy na inaalam ng PNP Anti-Cybercrime Group ang pinanggalingan ng pekeng impormasyon para papanagutin.
Batay sa pekeng post sa social media, iniuugnay ang seguridad ng bansa sa nangyayaring kaguluhan sa Middle East, at posible umanong puntiryahin ng Iran dahil sa pagiging kaalyado ng Amerika ang Pilipinas. —Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
