(Trigger Warning: May paksa tungkol sa bullying)
Emosyonal na ibinahagi ni Yasmien Kurdi ang recovery ng kaniyang anak na si Ayesha sa tulong ng therapy at homeschooling matapos umano itong makaranas ng bullying sa dati nitong paaralan.
Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, ibinahagi ni Yasmien ang ilang senyales ng bullying na naranasan ng kaniyang anak, gaya ng pagiging nonchalant, gastritis, sleep disturbances, at kawalang-gana sa pagkain.
“Hindi lahat puberty. Akala nga namin, una puberty stage lang si Ayesha. But, you know, extrovert siya, outgoing siya, tapos biglang makikita mo na biglang naging tahimik 'yung bata, tapos sa kuwarto na lang umiiyak,” kuwento ng aktres.
“I know. Mom ako eh, nanay ko, alam ko, nasasaktan 'yung anak ko, alam ko there's something wrong, kahit hindi siya magsalita. 'Yung sakit sa akin, mas doble. Noong naranasan namin ‘yun, alam mo 'yung stress? Parang umaabot hanggang buto, hanggang laman mo, yung tipong bumagsak 'yung weight namin ng asawa ko ng 10 pounds in one week. Imagine, ganu’n ka-stress. Kasi, walang may gusto nito,” pagpapatuloy ni Yasmien.
Ngayon, nagagawa na raw ulit ni Ayesha ang mga gusto nitong gawin gaya ng hosting, oration at sports.
“I told her na dapat hindi siya napapa-apekto kapag merong gustong maghila sa kaniya pababa. Kasi my daughter, kasi she's very assertive in school. She loves hosting,” pagbabahagi ng Kapuso actress.
“And I'm really happy ngayon kasi dahil sa tulong din ng therapy. Nag-therapy siya for six months na tuloy-tuloy and then it's very helpful for her kasi dahil sa mga panic attacks and anxiety attacks niya,” dagdag niya.
Bukod dito, sumailalim muna si Ayesha sa homeschooling.
“And then, nu’ng nag-therapy siya, 'yung ginawa namin, nag-homeschooling agad siya kasi I pulled her out right away kasi syempre 'yun 'yung feeling ko, I have to protect her. Kailangan, tanggalin ko na siya agad doon sa environment na 'yun. Kung toxic, toxic, tanggalin na,” saad niya.
Ayon pa kay Yasmien, nag-”back to zero” muna si Ayesha ng dalawang buwan mula sa antas na nitong 7th grade.
Proud din na ibinahagi ni Yasmien na tinutukan ng asawa niyang si Rey ang kanilang anak kaya ito gumaling sa math at iba pang subjects.
“Nagkaroon na kami ng go-signal from the therapist na puwede na mag-big school ulit si Ayesha, kasi she wants to go to volleyball. Kaya nu’ng time nu'ng therapy niya, pinag-volleyball class namin siya everyday, pinag-hosting, dinamihan ko siya ng activities,” ayon kay Yasmien.
Katunayan, varsity player ngayon ang kanilang anak.
“Though, nandoon pa rin 'yung mga episodes na naka-trigger pa rin siya and all. But, you know, ‘pag may gano’n, we go back again sa therapy. But, you know, we're healing slowly,” sabi pa niya.
Nagbigay ng payo si Yasmien sa mga magulang tungkol sa mga hakbang na maaaring gawin kung nakaranas ng bullying ang kanilang mga anak.
“I encourage open communication with the child all the time. And, kailangan talaga 'yung mga kids, ikuwento nila lahat, kay mommy and daddy. Huwag sila matakot, huwag sila mahihiya. Walang ikakahiya rito. Walang ikakahiya. You don't have to be ashamed of anything,” patuloy niya.
Matatandaang Disyembre noong nakaraang taon nang ilahad ni Yasmien na nakaranas ng bullying si Ayesha. -- FRJ GMA Integrated News
