Inilahad ni Kuya Kim Atienza na may disadvantage rin ang pagtingin sa kaniya ng mga tao bilang matalino na alam ang lahat. Pag-amin ng Kapuso host, takot siyang sumali sa mga game show.

“Alam mo kung ano ang disadvantage? They expect you to be perfect all the time. I am not perfect. I'm human,” sabi ni Kuya Kim sa vodcast na “Your Honor.”

“Wala naman perpekto. Pero ‘pag nagkamali ako, trending. ‘Pag ‘di ako nagkamali, ‘normal matalino ‘yan eh,’” pagpapatuloy niya.

Kuwento niya, nakailang pag-imbita sa kaniya si Dingdong Dantes para sumali siya sa game show nito na “Family Feud.”

“Takot nga ako sumali ng mga game show eh. Maski 'yung Family Feud, talagang ilang pilit sa akin ni Dong bago ako sumali diyan. Dahil natatakot ako, dahil ‘pag nagkamali ako, trending. Hindi puwede magkamali si Kuya Kim,” patuloy niya.

Kuwento niya, pangatlong taon na niya sa showbiz noon nang sumali siya sa isang game show ni Edu Manzano noong 2007.

“Ang style noon, may questions, multiple choice, pero may 100 na audience. At 'yung 100 na audience, heckler. ‘Wala, wala, wala ka,’ Gina-gano’n ka. So, madi-distract ka ngayon habang nakikipagtalo ka u’n sa audience,” kuwento ni Kuya Kim.

Hanggang sa tinanong si Kuya Kim kung ano ang pinakamalaking isda sa mundo, kung saan ang tamang sagot ay butanding.

“Alam ko butanding ‘yun eh. Eh dahil busy ako. At ang yabang ko, at alam ko naman lahat,” kuwento niya.

Sa kaniyang pagmamadali at ingay ng mga tao, blue whale ang naisagot ni Kuya Kim, at natalo siya sa game show.

Bago pa ang Facebook noon, at naging laman siya agad ng mga meme.

“‘Si Kuya Kim ‘di naman matalino!’ 'Yung butanding, hindi alam.’ Lumabas sa mga meme. Hanggang ngayon, lumalabas pa rin ‘yan sa mga nakaka-alala,” sabi niya.

“Because Kuya Kim is supposed to be perfect. That is the disadvantage of becoming Kuya Kim,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Kuya Kim na may mga tao na mataas ang Intelligence Quotient (IQ), ngunit mababa ang Emotional Quotient (EQ).

“Kasi napakarami ‘yung may high IQ dahil sa pag-aaral. I don't take it against them. Kaka-aral, na kaka-aral, nakalimutan umikot, nakalimutan magkaroon ng kaibigan, nakalimutan gumimik. Kaya tumaas ang IQ. Habang tumaas ang IQ, ang EQ o emotional quotient, ‘yung street smartness, pababa nang pababa nang pababa,” paliwanag niya.

Dahil dito, kulang sa social cues ang mga ganitong tao.

“‘Yun ang mga boring na hindi mabasa ang conversation. ‘Pag kausap mo ‘yun, kung ano-ano sinasabi hindi sensitibo sa 'yo, hindi nakakaaliw, hindi nakakalibang pero bibigyan ka ng facts,” sabi pa ni Kuya Kim.-- FRJ GMA Integrated News