Nagpayo ang comedy duo nina Mike “Pekto” Nacua at John Feir sa mga mag-asawa para maging matatag ang relasyon, gaya ng “give and take” at pag-iwas na gumawa ng ikagagalit ng isa’t isa.
“Sa akin, give and take lang naman, ganoon lang naman talaga iyon. Mahirap din kasi ang buhay may-asawa kapag nandu’n kayo sa stage na 'yung lagi kayong nag-aaway. Dinadaanan talaga ng mag-asawa ‘yan,” sabi ni Pekto sa guesting nila ni John sa vodcast na “Your Honor.”
“Hindi naman sa pagmamayabang. At sa dinadaanan kong buhay may-asawa, nalalampasan din talaga ‘yan. Later on kasi, those years, matututunan niyo na 'yung bawat mali, 'yung bawat bagay-bagay na hindi dapat, na huwag mo nang gawin kasi nga magagalit ‘yan. Huwag ka nang umulit. Huwag mo nang kontrahin kung anong gusto niya. Give and take na lang,” dagdag ni Pekto.
Si John naman, idiniin na nagdudulot lamang ng stress kapag nakagagawa ng mali na ikinaiinis ng asawa.
“‘Pag gumagawa ka talaga ng mali, nakaka-stress eh. Nakakastress ‘yan. Wala kang peace of mind. So, ang mapapayo ko lang, magsabi lagi kayo ng totoo. Kung magpapaalam kayo, sabihin niyo kung saan kayo,” ani John.
Bilang mga komedyante, idiniin ni John na mahalaga rin ang humor sa isang relasyon.
“Ito napakahalaga nito. 'Yung pagsasama, haluan niyo ng humor,” sabi ni John.
“Hindi puwedeng seryoso in life. Wala. Nagbibiruan na lang talaga kayo at lahat ‘yun,” dagdag naman ni Pekto.
Mas nakilala pa sina John at Pekto sa kanilang tandem bilang sina Cookie at Belly sa Kapuso comedy show na “Nuts Entertainment.”
Napanonood ngayon si John sa “Pepito Manaloto” bilang si Patrick, best friend ni Pepito. Napanood naman si Pekto sa ilang Kapuso series gaya ng “Abot-Kamay na Pangarap,” “Royal Blood,” at “Makiling.” —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
