Paalala, may paksa tungkol sa depresyon

Ibinahagi ni Claudine Barretto sa social media ang pagkaka-ospital niya dahil sa depresyon at may pakiusap siya sa kaniyang mga follower.

Sa Instagram, nag-post ng kaniyang mga larawan ang aktres habang nasa hospital room. May kasama itong clip na yakap siya ng duktor, at habang nakahiga siya sa kama, kasama ang anak na si Noah na nag-aalaga sa kaniya.

“Yes, this is what depression looks like, so please don’t judge,” pakiusap ni Claudine. “We all need more understanding and compassion.”

Sa comment section, nagpaabot naman ng mensahe para kaniya ang mga followers, kasama na ang mga celebrity katulad nina Vilma Santos, Vina Morales, Small Laude, at Cristalle Belo.

“Sis, love and hugs for you. Will pray for you,” ani Vina.

“Hi, my dearest baby Claude. We are all here loving you. Dito lang kami para sa’yo,” pahayag ni Vilma.

 

 

Ang depresyon ay inilalarawan bilang isang seryosong sakit sa kalusugan ng isip na may matinding epekto sa paraan ng pag-iisip, pakiramdam, at pagkilos ng isang tao. Nagdudulot ito ng matinding kalungkutan at kawalan ng interes sa mga gawain na dating kinagigiliwan.

Kung kailangan ng tulong o makakausap, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine National Center for Mental Health crisis hotline sa numero bilang 0917-899-8726 (Globe/TM), 0908-639-2672 (Smart/SUN/TNT), o 1553 (nationwide toll-free number). — mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News