Ikinuwento ni Kylie Padilla na diretsahan siyang tinanong ng kaniyang anak na si Alas kung bakit sila naghiwalay ng dati niyang asawa na si Aljur Abrenica.
Sa teaser ng special session ng “Your Honor” para sa unang anibersaryo nito, may pabirong binanggit si Kylie na, “Hindi po talaga ako ang unang nag-cheat,” na ikinagulat ng mga tao sa studio.
Ibinahagi rin ng aktres ang parenting set-up nila ni Aljur.
“Ako ang 80 percent, siya 20 lang,” sabi ni Kylie. “Co-parenting pa rin kami. What I mean to say is, sa akin ‘yung kids, 80% of the time,” paglilinaw niya.
“Okay naman na tao si Aljur. Kami lang ‘yung nag-fail pero ‘yung relationship nila dapat solid pa rin ‘yun,” dagdag niya.
Hanggang sa maikuwento ni Kylie na hindi naiwasan ng anak nilang si Alas na magtanong ito tungkol sa hiwalayan nila ng ama nito na si Aljur.
“May one time kasi, nagtatanong si Alas, bakit kayo naghiwalay? Does papa not love you? Ganoon ‘yung tanong niya sa akin, ang liit-liit,” ani Kylie.
Inilahad din ni Kylie ang paghanga niya kay AJ Raval, na bagong partner ni Aljur, na ipinapakita rin ang pagmamahal nito sa kaniyang mga anak.
“Super welcoming niya sa mga anak ko. Kasi nga nanay din siya, ‘di ba? Naririnig ko nga na lagi silang nagyayakapan, naglalambingan din. Eh gusto ko ‘yun kasi the more love that my kids can get from people who love them authentically, go,” ayon kay Kylie.
Panoorin ang guesting ni Kylie sa Your Honor, ngayong Sabado, pagkatapos ng Pepito Manaloto sa YouLOL YouTube Channel.—FRJ GMA Integrated News
