Ikinuwento ni Kylie Padilla na nagbibigay sa kaniya ng payo si Aljur Abrenica pagdating sa mga nanliligaw sa kaniya.
Sa pinakabagong episode ng “Your Honor,” tinanong ng mga host na sina Chariz Solomon at Buboy Villar ang Sparkle actress kung nagkaroon sila ni Aljur ng pagkakataong mag-usap sa ilang okasyon.
Ayon kay Kylie, nagkaroon sila ng pag-uusap noong Agosto nang dalhin nila ang kanilang mga anak na sina Axl at Alas sa isang circus show.
"Hindi ko alam if nagtanong siya or I brought it up, I don't know. Tapos parang sinabi niya lang na mag-ingat ka sa manliligaw mo ah. Kasi alam niyang single ako eh. Tapos may nabanggit akong manliligaw, nagbigay siya ng opinyon," saad ni Kylie.
Bagama’t hiwalay na, sinabi ni Kylie na maayos ang kanilang co-parenting setup ni Aljur, at “payapa” ang lahat sa pagitan nila.
Sabi pa ng aktres, ang pinakamahirap na bahagi ng co-parenting ay ang panahong kinailangan niyang ipaliwanag kay Alas ang kanilang sitwasyon.
"May one time kasi nagtatanong si Alas bakit kayo naghiwalay? Kasi siyempre, andoon siya. May times nandoon siya kapag nag-aaway kami. Parang 'yung sinabi ni Alas 'yan sa akin, does Papa not love you? Ganoon 'yung tanong niya sa akin," ani Kylie.
Ipinaliwanag naman ni Kylie sa kanyang anak na sa kabila ng kanilang pinagdaanan, mahal pa rin nila ni Aljur ang kanilang mga anak
"I tried to explain. Tapos after no'n hindi rin ako nagpakita ng kahit anong emosyon kasi ayokong makita na it's an issue na mabigat. Ang kinausap ko, diniretso ko na si Aljur na ganito ang sinabi ng anak mo. Please explain. Mas magandang manggaling sa 'yo, kesa sa akin," patuloy niya.
Ikinasal nina Kylie at Aljur noong 2018 at naghiwalay noong 2021 dahil sa umano’y pagtataksin ng aktor sa kanilang pagsasama.
Kasalukuyang karelasyon ngayon ni Aljur si AJ Raval, at mayroon na silang tatlong anak.—Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News
