Magbabalik sa showbiz si Bianca King matapos mag-asawa noong 2021 at nagkaroon ng anak noong 2023.
Sa pagbisita niya sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Lunes, nagkuwento si Bianca tungkol sa buhay niya bilang ina, at pabiro umano niyang sinasabi na isa siyang “professional mother.”
“[I’m an] excellent mother. Ibibigay ko sa sarili ko ang lahat ng award ng nanay na meron diyan. Kasi peak performance ako as a mother. Ang joke ko nga eh is I am a professional mother,” saad ng aktres.
Ibinahagi pa niya kung paano niya lubos na inilalaan ang sarili sa pagiging ina, na hindi niya itinuturing na isang role, kundi bilang isang bokasyon na patuloy niyang pinag-aaralan at pinagbubutihan
“Kina-career ko talaga siya from studying, sleep, nutrition, how to raise a child, toys, books. Everything like I feel like ito na 'yung pagkakataon ko to mold a human being,” patuloy ni Bianca.
“Kung anong feeling kong pagkukulang ko sa akin pwede kong ibigay sa kaniya. Napakalaking privilege ‘yun na makapagmold ka ng human being na hopefully maging maganda ang impact sa world," sabi pa niya.
Sa kaniyang pagbabalik sa showbiz matapos ang anim na taong pahinga, ibinahagi ni Bianca na naramdaman niyang kailangan niyang bumalik upang mahanap muli ang balanse sa kaniyang buhay.
“Kasi kailangan kong alagaan ‘yung sarili ko. I guess ‘yung pinakamagandang way para i-describe ko ‘yon is kumikita ako at nagtatrabaho ako for myself since I was 15. So hindi mo maaalis sa akin na I’m a hard worker, I’m an artist, I like to do my own thing, so I felt I lost myself. Nawala 'yung sense of self,” paliwanag niya.
Naniniwala rin siya na ang pagbabalanse ng iba’t ibang aspeto ng buhay ay makatutulong sa kaniya upang maging mas mabuting ina at asawa.
“Feeling ko mas magiging mabuting ina at wife pa ako kung mayroon akong buhay outside of the household, kung mayroong balance,” ayon kay Bianca.
“I’m not saying everyone has to do that, I’m not saying that it’s the gold standard of being a mother. It’s just the way I was built as a human being that even if I love being at home, and I’m happy doing nothing and just [being] with my child and cooking, it’s not enough," dagdag niya.
Ikinasal si Bianca kay Ralph Wintle, na kapatid ni Ben, na mister ni Iza Calzado.
Mayroon silang isang anak na babae na isinilang noong May 2023.
Kamakailan lang, pumirma si Bianca ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center. —FRJ GMA Integrated News
