Inihayag ni Faith Da Silva na may takot siya noong una sa pagsali sa rally laban sa korupsyon. Ngunit hinaharap niya ito alang-alang sa bayan.

“Natakot din talaga ako kasi ito ‘yung first rally ever na nag-speak out and voice out ako and I was there,” sabi ni Faith sa pag-guest niya sa year-end special ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

Biro pa ni Faith, natakot siyang mawalan ng mga pagkakakitan dahil sa pagsali niya sa protesta.

“Siyempre noong una natatakot ako kasi ‘yung mga raket, ‘yung mga gigs…” biro niya.

Binanggit din niya ang takot din sa safety dahil maaaring magkaroon ng kaguluhan sa mga pagtitipon.

Ngunit para sa “Encantadia Chronicles: Sang'gre” star, mas mahalaga ang kaniyang ipinaglalaban para sa bayan kaysa ang kaniyang kita.

“Kasi usually ‘di ba ang mga nagpo-produce niyan is mga public officials. Kaya ang sabi ko, ‘Ay kapag nakita nilang nandito ako baka hindi na ako kuhanin.’ Pero for a greater cause. I mean, aanuhin ko ‘yung kinikita ko na pera na ‘yun, kung ‘yung mga mamamayan naman doon ay nag-struggle because of that?,” saad niya.

Dagdag ni Faith, dapat na mas manguna ang tapang na ipaglaban ang karapatan ng mga kababayan, kaysa sariling interes.

“‘Yung takot din sa safety. And I think ‘yun din ‘yung iniisip ng karamihan. ‘Ah hindi na lang ako pupunta kasi baka magkagulo pa, magkasaksakan na diyan, hindi natin alam kung ano ang mangyayari.’ Pero at this point, kailangan ‘yung tapang natin mas mataas siya kaysa roon sa comfort na nararamdaman natin,” sabi ni Faith.

Matatandaang nagsagawa ng mga kilos-protesta ang mga mamamayan, na sinalihan din ng mga artista at ilan pang personalidad, bilang pagkondena sa umano’y katiwalian sa flood control projects. – FRJ GMA Integrated News