Nailigtas matapos madulas at mahulog sa dagat mula sa isang barko habang nasa coverage ang GMA News reporter na si Bam Alegre nitong madaling-araw ng Lunes. Matapos ang nakatatakot na karanasan, ang nasa isip ni Bam, “Maybe I need to maximize my days. Make full use of my life.”
Ayon kay Bam, nasa Pier 13 siya sa Port Area sa Maynila para i-cover ang mga nailigtas mula sa lumubog na barko sa West Philippine Sea. Inihahatid umano siya at iba pang mga mamamahayag patungo sa base area ng Philippine Coast Guard (PCG) para magpahinga nang mangyari ang insidente.
“Maraming dinaanan din. Itong particular surface na ito, it was dark and madaling araw siya and madilim and makitid din. Tapos ano kasi, may part doon na uneven ‘yung surface like para siyang lulubog,” ayon kay Bam.
Hanggang sa nahulog na siya sa makitid na pagitan ng barko at ng pantalan.
“When I slipped doon sa uneven surface na ‘yun, wala akong nakapitan. Dire-diretso ako doon sa baba. I couldn’t really estimate how steep it was… it felt to me like a second. I was falling endlessly for a second before I hit water,” kuwento niya.
Napagtanto umano ni Bam na malalim ang kaniyang kinahulugan nang hindi niya maabot ang ilalim ng dagat. Ayon sa mga pagtaya, nasa taas na hindi bababa sa 10 talampakan ang binagsakan ni Bam.
Sa kabila nito, pinilit umano niyang manatiling kalmado at naalala ang kaniyang training na ilang taon na ang nakalipas.
“Langoy aso. So that’s what I did. I raised my hands and naglangoy aso ako. Parang sabi ko — nagmumura pa nga ako noon in my mind, sabi ko tang*na bahala na. Sabi ko bahala na. Langoy aso na,” ani Bam.
Nang makalutang sa ibabaw ng tubig, sumigaw siya ng tulong at mahigpit na kumapit sa isang haliging may matutulis na kabibe, na naging sanhi ng pagkasugat sa kaniyang mga daliri.
Pagkatapos nito, naghagis ang PCG ng isang floating device na may nakataling lubid upang mailigtas siya.
Sumailalim si Alegre sa paunang lunas mula sa PCG at pagkatapos ay dinala sa Manila Doctors Hospital para mabigyan ng anti-tetanus shot.
Matapos makalabas ng ospital, dumiretso pa rin siya sa isang pagtitipon at makipag-usap sa mga estudyante sa isang unibersidad sa Bacoor. Ayon sa kaniya, naisip niyang hindi pa niya oras dahil may kailangan pa siyang gawin.
“I was lucky na wala akong major injury. Kasi I could have hit my head while falling down or I could have crashed on something solid. I had this realization na I was really lucky that day. And probably a new life and parang I wanted to maximize,” ayon kay Bam.
“Maybe I need to maximize my days. Make full use of my life,” dagdag niya.
Bagaman natatawa na lang siya sa insidente, aminado si Bam na shock pa rin siya sa nangyari.
“It’s still on my mind. Actually, I told my superiors naman I could manage with the injuries I have. If I have to work, I can work now. But I also told them parang it’s messing with my mind that I could have died,” pahayag niya.
“Thank you so much for everyone who sent their well wishes. Lahat ng nagpaabot ng kanilang pag aalala. Lahat ng nakaramdam ng takot kung may nangyari sa akin. Hanggat maari gusto ko nga bigyan ng reply lahat ng comments pero masakit pa kasi ‘yung daliri ko,” dagdag ni Bam. — Joahna Lei Casilao GMA Integrated News

