Inihayag ni Sofia Trazona, na panganay na anak ni SexBomb Izzy Trazona, sa social media na hindi na sila nagkikita nang personal ng kaniyang ina.

Sa X, inilahad ni Sofia ang kaniyang takot na hindi siya tanggapin kung sakaling magkita sila ni Izzy.

"'Di na po kami nagkikita ni mama. I also am scared na ‘pag nakita niya na ako ngayon as a transwoman, iba 'yung reaction na ma-receive ko."

“Iba ‘yung reaction na ma-receive ko and ayoko na bumalik sa dark place nu’ng lumabas ‘yung issue,” sabi pa ni Sofia, na tinutukoy ang hidwaan nila ng kaniyang ina tungkol sa kaniyang gender identity.

Bago nito, kilala si Sofia noon bilang si Andrei.

“I just want validation and acceptance. Wala [nang] iba,” sabi pa niya.

Ikinalungkot pa ni Sofia na hindi na siya nakapupunta sa mga pagtitipon ng kanilang pamilya.

"It's honestly so sad na 'di na ko nakakapunta sa mga reunion sa mom's side. Even birthdays, kasi whenever pumupunta ako lagi lang akong pinag-uusapan and pinagkakaisahan," sabi niya.

Bago nito, inihayag din ni Sofia na sasailalim siya sa isang "big operation" kaugnay ng kaniyang transition bilang isang trans woman. Una niyang inilahad ang kaniyang pagiging trans noong Enero 2025. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News