Emosyonal si Izzy Trazona nang alalahanin ang nakaaantig na tagpo ng kaniyang surprise appearance at muling nakasama ang Sexbomb Girls sa “Rawnd 4” concert noong Sabado. Taong 2009 nang mag-resign siya sa grupo.

Sa guesting nina Izzy at asawa niyang si Alvin Aragon sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, ikinuwento ni Izzy na nanggaling pa siya ng live selling noon ng kaniyang luxury bags bago pumunta ng concert.

Nagpaalam pa muna si Izzy kay Alvin, na nagdalawang-isip pa noong una at ipinagdasal muna ito.

Nang tanungin ni Tito Boy kung bakit nag-atubili si Alvin, “Kasi hindi madali eh. Nu’ng sinabi niya sa akin na mag-share siya ng love ni Jesus sa concert. Sa akin, hindi madali ‘yun na decision. Ang dami kasing tao eh… Tapos, magsasalita. Hindi madali, ‘Teka lang, Hon.’ So, pinag-pray ko muna. Tapos nag-devotion ako. Na-convince ako na ito guidance ng Panginoon sa kaniya. ‘O sige, hon. I support you. Sige kung gusto mong um-attend, umattend ka'" sabi ni Alvin.

Matapos ang pag-apruba ni Alvin, kinausap na ni Izzy si Mia Pangyarihan kung may ticket. Hindi man nakakuha ng ticket, nagawa naman ni Mia na bigyan si Izzy ng backstage access, habang hiniling ni Izzy na huwag itong sabihin sa iba pang Sexbomb Girls.

Kasama ni Izzy na pumunta sina Alvin at kanilang anak.

“Pumasok kami sa backstage and then, sobrang kabado ako. Ang daming tao. And then, nandu’n kami, nanonood kami naka-stand up and then, pinapasok na rin kami doon sa technicals kasi wala talagang upuan dahil puno. So, nanonood ako,” ani Izzy.

“Of course, andoon ‘yung feeling na na parang wow, ito ‘yung mga kasama ko before. And andoon ‘yung longing… ‘Yung feeling mo na, ito ‘yung kasama ko for the longest time. Happy ako na nakikita ko silang nagpe-perform,” pagpapatuloy niya.

Hanggang sa isang staff member ang lumapit sa kaniya at hiniling sa kaniyang umakyat sa stage.

“Tapos, lumapit si Mia, ‘Mare!’ Nag-iyakan na kaming dalawa doon. Sabi ko, ‘Sandali lang, ‘di pa ako lumalabas namumugto na ‘yung mata ko, mare,’” sabi niya.

Kalaunan, emosyonal na si Izzy nang alalahanin kung paanong hindi na niya mapigilang umiyak habang nasa stage.

“Sobrang ‘yung heart ko, talagang nag-uumapaw na na-miss ko ‘tong mga to. Na-miss ko po sila. From 2009, nung nag-resign po ako eh, and ngayon ko lang sila ulit na on stage nakasama, sobrang emotional. I love them so much, Tito Boy. Sobrang mahal na mahal, nami-miss. Every time they invite me na ‘punta ka naman sa concert.’ Lagi kami nag-iiyakan ni Rochelle na, I'm sorry, ganyan. Hindi ako makakapunta,” sabi niya.

Nang tanungin kung ano ang pinaka-miss niya sa tuwing kasama ang Sexbomb Girls, sinabi ni Izzy na ito ang sa tuwing nagyayakapan sila bilang grupo.

“Na-miss ko ‘yung mga hug namin. Talagang hindi namin inalintana, kung ano ‘yung kailangan na next nilang gagawin, but, we take that time to really hug each other, and, talagang feel na talagang miss each other,” aniya.

Hindi rin naiwasan ni Alvin maging emosyonal habang kinukunan ang tagpo at binabantayan ang kanilang anak.

“Andun lang ako, na ‘yung presensya ko, parang sinasabi ko, ‘Nandito ako, hon, para sa'yo. Kung anong desisyon mo, suportahan kita,” ani Alvin.

Unang ginanap ng SexBomb Girls ang kanilang reunion concert sa Araneta Coliseum noong Disyembre 4, at sa SM Mall of Asia Arena noong Disyembre 9.

Ginanap din ang ikatlo, ikaapat at ikalimang show sa MOA Arena noong Pebrero 6, 7, at 8.

Magkakaroon sila ng Round 6 para sa kanilang concert at world tour pa. -- FRJ GMA Integrated News