Matapos ang matagumpay nilang Get Get Aw! concert sa Pilipinas, dadalhin na ng SexBomb Girls ang kanilang "kembot" sa labas ng bansa.
Sa Facebook post ni Rochelle Pangilinan, inanunsyon niya na magtatanghal ang Sexbomb Girls sa Dubai at Abu Dhabi sa United Arab Emirates sa darating na Marso 27 at 28.
"Nagsimula sa simpleng entablado…ngayon international na ang kembot,” saad sa post ni Rochelle na makikita ang posters ng kanilang nakatakdang show sa UAE.
“Dubai. Abu Dhabi. Ready na ba kayo? Sa lahat ng Pinalaki ng Sexbomb sa UAE — boots on balakang out makipag-showdown na tayo. Get get aww!” dagdag pa nito.
BASAHIN: Izzy Trazona, ikinuwento kung papaano nangyari sa surprise appearance niya sa Sexbomb concert
Sa nakaraang Get Get Aw! Round 5 show noong Linggo, inihayag ng grupo na magkakaroon pa ng Round 6 ang kanilang pagtatanghal.
Nitong Lunes, sinabi ni Boy Abunda sa "Fast Talk With Boy Abunda," na magkakaroon din ng world tour ang all female dance group.
Unang ginawa ang SexBomb Girls reunion concert sa Araneta Coliseum noong December 4 at nasundan ng ikalawang show sa SM Mall of Asia Arena noong December 9.
Dahil sa dami ng gustong makapanood, nagkaroon pa ito ng ikatlo, ika-apat at ika-limang shows sa MOA Arena noong February 6, 7, at 8.
Nakilala at sumikat ang Sexbomb Girls dahil sa kanilang pagiging bahagi ng isang noontime TV variety show. Kalaunan, bumida ang grupo sa panghapong teleserye na “Daisy Siete” at naging mga nangungunang recording artist.
Ilan sa mga miyembro ng grupo ay sina Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia, Mia Pangyarihan, Aira Bermudez, Sunshine Garcia, Aifha Medina, Weng Ibarra, at iba pa.
Bukod sa husay sa pagsasayaw, nagkaroon din ng hit songs ang SexBomb Girls gaya ng "The Spaghetti Song," "Halukay Ube" at iba pa. — FRJ GMA Integrated News

