Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras, sinabi ni Jak na mas priority niya sa ngayon ang paghahanda sa pagbibidahang upcoming Kapuso action series na “Task Force, Firewall.”
“Wala eh. Medyo, ito busy nga sa trabaho. Speaking of, magkakaroon na rin ng teleserye, mag-start na kami ng taping. So kailangan natin ulit magpa-condition and mag-ready para doon. Trabaho muna,” sabi ni Jak.
“Me, myself and I,” dagdag pa niya.
Namumugto pa ang mga mata ni Jak nang dalawin ng GMA Integrated News sa set ng “Magpakailanman,” kung saan bibida siya sa episode na “Sa Kabila ng Lahat.”
Muling napasabak si Jak sa matinding drama, kung saan gaganap siya bilang si Joshua, isang teacher na may Bipolar Disorder 1 na na-trigger dahil sa kaniyang anxiety and depression.
“Grabe, ito na yata 'yung pinaka-challenging role na nagawa ko sa buong 'Magpakailanman' episode ko. Tinalo pa nito 'yung isang buong teleserye, 'yung emosyon, lahat-lahat and preparation,” sabi niya.
Nilalayon ng naturang episode na makapukaw at magbahagi ng awareness tungkol sa mental health.
“Mahalagang issue 'to sa nangyayari sa panahon ngayon, medyo sensitive pero ipinakita namin dito kung paano nareresolba ang bawat problema at ang bawat karamdaman kagaya nito,” sabi niya.
Kahit na may mga mabibigat na tagpo, aasahan pa rin ang kilig lalo’t ipalalabas ito sa mismong Araw ng mga Puso.
“Interesting 'yung storya kasi despite dun sa condition niya, merong isang babaeng tumanggap sa kanya at nagmahal nang buong puso, unconditionally,” ani Jak.
Napanonood ang “Magpakailanman” tuwing Sabado sa GMA Network ng 8:15 p.m. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
