Mula sa music stage, dadalhin na rin ni Elias J TV ang kaniyang signature dance move at pag-arte sa mundo ng “Encantadia Chronicles: Sang’gre.”

Sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing Elias din ang magiging pangalan ng karakter ng mang-aawit sa hit Kapuso primetime series.

“Hindi ko inaasahan na mag-guesting ako dito kaya ngayon proud na proud po ako sa sarili ko at naimbitahan nila ako,” ayon kay Elias.

“Proud pa rin ako at dinadala ko rin 'yung lenggwahe namin galing ng Mindanao,” dagdag niya.

Memorable para kay Elias ang naturang proyekto dahil ito raw ang unang pagkakataon na aarte siya.

“Habang tumatagal nasasanay na rin. Ok lang naman ‘yung pagsalita ng Tagalog, ‘yung expression lang ng mukha kung paano gagawin. Tinutulungan nila ako para maitawid lang din,” sabi ni Elias.

Inihayag naman ng mga cast member gaya nina Jon Lucas at Prince Clemente ang kasiyahan na makatrabaho si Elias.

“We’re working with Elias ngayon at natutuwa ako. Siyempre na-excite ako na makita siya at makasama. Kasi sa totoo lang, kahit ako, mahilig tayo sa social media ngayon, so nakikita natin 'yung mga clips niya, ‘yung mga videos niya,” sabi ni Jon.

“Tsaka for a first-timer na mag-act sa isang teleserye, magaling siya kasi ‘yung lines na-memorize niya lahat. ‘Yung emotions nandoon,” dagdag naman ni Prince. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News