Pumirma si Ramil Madriaga, ang nagpakilalang dating aide at bagman umano ni Vice President Sara Duterte, sa isang waiver upang payagan ang Kamara de Representantes na suriin ang mga bank account niya na binanggit niya sa supplemental affidavit. Ano nga ba ang bank secrecy law, at ano ang mangyayari kapag pumirma ng waiver? Alamin.

Pumirma ng waiver si Madriaga nang humarap siya sa hearing ng House Committee on Justice tungkol sa mga reklamong impeachment laban kay Duterte, ayon sa GMA News Feed.

Matatandaang nilagdaan ang Republic Act No. 1405 o Law on Secrecy of Bank Deposits noong Setyembre 9, 1955.

Layon ng batas na hikayatin ang publiko na ilagay ang kanilang pera sa mga bangko at government securities sa halip na itago na lamang ito, kasabay ng pagbibigay proteksyon sa kanilang privacy.

Sa ilalim ng batas, itinuturing na “absolutely confidential” ang lahat ng deposits sa mga bangko o banking institutions sa bansa, kasama ang investments sa government bonds.

Nangangahulugan itong hindi basta-basta maaaring siyasatin, usisain o silipin ng kahit sinong tao, opisyal ng gobyerno o anumang institusyon ang mga bank deposit.

Gayunman, hindi absolute ang batas, kung saan may ilang pagkakataon kung kailan maaring buksan ang bank records.

Posible ito kapag may written permission ang depositor, may kinakaharap na impeachment case ang depositor, kapag may utos ang korte, lalo na sa kasong bribery o pagpapabaya sa tungkulin ng public officials, at kapag sangkot sa isang kaso ang pera sa account.

Kapag pumirma ang isang depositor ng waiver, pinahihintulutan niyang ma-access ang kaniyang bank records. Dito, hindi na maipatutupad ang proteksiyon ng bank secrecy law sa saklaw ng waiver.

Sa pamamagitan din ng waiver, maaaring makita ang mga transaksiyon, pati ang mga posibleng linked accounts.

Maaari ding buksan ang dating “confidential” na financial records. Dahil may pahintulot, hindi na ito paglabag sa batas.

Sa supplemental affidavit ni Madriaga, inilahad niyang nagsilbi siyang “dummy” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa paglipat ng malalaking halaga ng pera.

“I admit that during PRRD’s term as President, I served as a dummy for the transfer of large amounts of money. These transfers were made through bank accounts that were opened under my name,” sabi ni Madriaga.

Sa pamamagitan ng pinirmahang waiver ni Madriga, makikita kung may mga perang pumasok sa kaniyang bank accounts kung gaano kalaki ang mga halaga.

Ayon sa legal counsel ni VP Duterte, si Madriaga ang “weakest link” sa impeachment case at hindi niya nasagot ang mga ebidensiyang iniharap ng Bise Presidente sa reklamong perjury laban sa kaniya.

“Our assessment that Ramil Madriaga would be the weakest link in the impeachment case was fully vindicated today. As expected, Madriaga failed to address – because he could not address – the clear and convincing evidence presented by the Vice President in the perjury complaint that proves he is a fraud,” sabi ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., legal counsel ni Vice President Sara Duterte.

Bago nito, nauna nang itinanggi ni VP Duterte noong Marso ang mga alegasyon ni Madriaga laban sa kaniya. Hindi umano totoo na kilala niya si Madriaga.

“He was never my aide, friend, employee, or a member of my staff in any capacity. The only person who knows him is Atty. R. Quilala of ISIP Pilipinas,” ani Duterte. – Jamil Santos/FRJ. GMA Integrated News