Hindi mapigilang maging emosyonal ni Chariz Solomon nang marinig ang mga pinagdaanang pagsubok ng Divine Divas na sina Precious Paula Nicole, Brigiding, at Viñas DeLuxe, hanggang sa unti-unting matanggap at lumawak ang platform tungkol sa kanilang sining.

Sa nakaraan nilang guesting sa “Your Honor,” binalikan nina Precious Paula Nicole, Brigiding, at Viñas Deluxe kung papaanong unti-unting nagbukas ang pagtanggap ng lipunan sa mga katulad nilang drag queen.

“Sobrang proud and grateful talaga na ngayon pa kami naging drag queen. Ngayong time na ganito 'yung pagtanggap ng drag sa Philippines. Lalo na 'yung experience ko dati sa school na parang gustong-gusto ko mag-perform sa mga main stage sa school pero parang ayaw pa kong payagan kasi naka-drag,” sabi ni Viñas.

“Parang hindi pa siya gano'n katanggap. Pero ngayon ini-invite na kami sa iba't ibang schools na may mga drag competition sa schools kasabay sa mga intrams nila. ‘Di ba dati mga cheer dance competition lang, ganiyan. Ngayon may drag competition na kasabay ng mga dance contest, singing contest,” sabi pa ni Viñas.

Bukod dito, naiimbitahan din daw sina Viñas na magsalita at magbigay ng mensahe tungkol sa mas malalalim na naiaambag ng drag sa komunidad.

“Ang sarap sa feeling na sineseryoso na siya ng tao. Hindi na lang siya entertainment na para pagtawanan,” ani Viñas.

Si Brigiding naman, pinasalamatan ang mga nauna sa kanilang drag artist na nakipaglaban para maisulong ang drag.

“Talagang lumalabas sila ng bahay. Kinukutya sila, dini-discriminate. Usually hindi pa tinatanggap ng pamilya. Kasi ganoon pa kasama 'yung tingin sa mga bakla. Pero ipinaglaban nila 'yung pagpe-perform at pagmamahal nila sa pagtatanghal,” sabi ni Brigiding.

Si Precious naman, inalala noong nagsisimula siya at wala pang tumatanggap sa kaniya na mga bar.

“Kasi parang dati naman hindi naman talaga main attraction 'yung mga drag queens… Hanggang sa parang nagpe-perform ako dati na walang bayad. Tapos tinatanong ako ng mga friends ko, ng family ko na, ‘Ba't mo ginagawa ‘yan? Bakit may kinikita ka ba?”

Kalaunan, nakapag-guest din si Precious sa ilang programa sa telebisyon.

“Binabalikan ko 'yung time na kahit walang naniniwala, kahit ako muntik nang hindi ako maniwala sa ginagawa ko. Pero thankful ako at grateful ako hindi ako bumitaw doon sa nakikita ko nu'n sa, na-imagine mo na siya eh,” kuwento niya.

Binalikan ni Precious ang pinagdaanan nila noong pandemic na nagsara ang mga bar at nawalan sila ng platform.

“Pero at least kami, hindi kami bumitaw. Kasi alam namin, pag bumukas ulit 'yung mundo, tatanggapin ulit kami. Doon na nag-start 'yung Drag Race.”

Proud si Precious na mas lumawak pa ang industriya ng drag sa Pilipinas.

“Hindi na lang siya ‘yung basta nakikita mo na lang sa bars, may mga brands na nagtitiwala, may commercial, may movies, may music videos, may song, may singer, nagkaka-concert. From one-man show, ngayon, may team na kami,” ani Precious.

Dahil sa ibinahaging pagsisikap at tagumpay ng Divine Divas, hindi maiwasan ni Chariz na maging emosyonal.

“Nakakaiyak kasi… Minsan talaga darating 'yung time na walang maniniwala sa 'yo eh. Kaya importante na mahalin mo 'yung sarili mo. You hold on to that hope. That little light na meron ka. Kahit 'yun sa Christmas light mo, isa na lang 'yung gumagana. ‘Hindi mapapagana ko pa ‘yan. May isa lang na natanggal diyan,’” ani Chariz.

“Sa lahat ng tao, ang importante lang na maniwala talaga sa'yo sarili mo and everything else will follow,” pagpapatuloy ni Chariz.

Si Precious Paula Nicole ang kauna-unahang Drag Race Superstar sa Pilipinas. Siya ang nagwagi sa pilot season ng "Drag Race Philippines" noong 2022.

Lumahok din sina Vinas at Brigiding sa unang season. Sumali rin sila sa "Drag Race Philippines: Slaysian Royale," kung saan si Brigiding ang idineklarang panalo. – FRJ GMA Integrated News