Nagbigay ng pahayag si Miss Earth Philippines 2025 at binasagang “Pambansang Jusa” na si Joy Barcoma kaugnay ng ilang puna ng netizens na bully umano siya at “patola” sa mga basher.

“Patola talaga ako. Ginisang patola with corned beef,” sabi ni Joy sa teaser ng kaniyang guesting sa online show na “Your Honor.” “Gusto kong gisahin 'yung mga taong may beef ako.”

“Ang mga hindi ko pinapatulan, wala,” natatawa niyang sagot nang tanungin kung ano ang hindi niya pinapatulan.

Hanggang sa matanong si Joy tungkol sa bullying issue na nasangkot umano siya.

“Hindi naman ako bully, patolera talaga ako. 'Yun lang ‘yung ugali ko. Hindi kita kakantiin hangga't hindi mo ako kinakanti,” katwiran niya.

Katunayan, may mga pagkakataong nakikisali umano siya kapag inaaway ang kaniyang mga kaibigan.

“Kaya nga ako nasabihang bully kasi nga pala patol nga ako. Ang problema, natutuhan ko, I learned it the hard way. So kapag may battles ang mga kaibigan ko, sa inyo na ‘yan, ‘te. Kasi dati kinukuha ko, tapos nagbati kayo, kami magkaaway pa rin,” kuwento niya.

Mapanonood ang guesting ni Joy sa “Your Honor” sa Sabado, Mayo 2. – FRJ GMA News