Isang 15-anyos na lalaki na may autism ang nasawi matapos saksakin sa Barangay 1-A, Magallanes, Davao City.
Ayon sa ulat ng GMA Super Radyo Davao nitong Huwebes sa GMA Regional TV, sinabi ng pulisya na may narinig ang mga kapitbahay ng biktima na umiiyak at humihingi ng tulong.
Nang tingnan nila ang lugar, natagpuan nila ang binatilyo na nakahandusay na wala nang buhay at duguan.
Agad na dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Sa tulong ng CCTV footage, nakilala ang suspek na isang 55-anyos na lalaki na residente rin sa parehong barangay.
Ayon sa mga awtoridad, makikita rin sa video ang suspek na lumabas ng bahay at sinaksak ang biktima.
Naaresto ang suspekdakong 2:00 am nitong Huwebes, Abril 30, 2026. Gayunman, hindi na narekober ang kutsilyong ginamit niya sa krimen matapos umanong itapon ng suspek sa isang sapa.
Sinabi ng pulisya na iginiit ng suspek na pinakikialaman umano ng biktima ang kaniyang bisikleta.
Mahaharap sa kasong murder ang suspek.—FRJ GMA News

