Inihayag ni Senate President Tito Sotto na aaksyunan ng Senado na “forthwith” ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kapag dinala na ito sa kanila ng Kamara de Representantes. Agad na pagkilos ang kahulugan kay Sotto ng forthwith -- “the following day.”
Nitong Huwebes, nagpatawag ng pulong si Sotto sa mga kapuwa niya senador para paghandaan ang pagiging impeachment court ng kanilang kapulungan sakaling iakyat sa kanila ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte.
Nitong Miyerkoles, nagdesisyon ang House Justice Committee na may basehan ang dalawang impeachment complaints laban kay Duterte na kanilang tinalakay.
Kasunod nito, tatalakayin at pagbobotohan naman ng lahat ng kongresista sa plenaryo kung aaprubahan o hindi ang rekomendasyon ng komite na i-impeach si Duterte.
Kapag nakakuha ng sapat na boto para sang-ayunan ang rekomendasyon ng komite, magiging Articles of Impeachment na ang reklamo laban sa pangalawang pangulo, at dadalhin nila ito sa Senado na magiging impeachment court.
Ang mga senador na tatayong mga “hukom, ang lilitis o didinig sa kaso kung may sapat bang ebidensiya para alisin o hindi sa puwesto si Duterte.
Muling naungkat ang salitang “forthwith” kasunod ng paliwanag ng Korte Suprema na hindi nangangahulugan na “agad-agad” o bilisan ang pagtalakay sa impeachment gaya ng paniwala ng iba sa nakasaad sa Saligang Batas.
Paglilinaw ng mga mahistrado ng SC, ang “forthwith” na nakasaad sa Article 11, Section 3(4) ng 1987 Constitution ay nangangahulugan na dapat talakayin ng Senado ang impeachment case “within a reasonable time,” at hindi naman nangangahulugan na “agad-agad.”
Ayon kay Sotto sa ambush interview, “I think the Supreme Court decision is based on the petition. Hindi naman sumasaklaw ‘yung decision na ‘yan sa trabaho ng Senado. Does not have anything to do with the work of the Senate. We are co-equal of branch. That’s why tama ‘yung decision nila, pero as far as that petition that was filed to them is concerned, not on the way the Senate is conducting itself.”
“And in this case, if ever we receive the articles of impeachment, we will act on it forthwith. Sa akin ang forthwith, the following day,” dagdag niya.
Sa 1987 Constitution, nakasaad na: “In case the verified complaint or resolution of impeachment is filed by at least one-third of all the Members of the House, the same shall constitute the Articles of Impeachment, and trial by the Senate shall forthwith proceed.”
Ayon sa SC, ang “forthwith” ay nangangahulugan na, “within a reasonable time, which may be longer or shorter, depending on the circumstances of each case.”
Ito ay para mabigyan ng pagkakataon ang Senado, “to make the necessary preparations to convene as an impeachment court.”
Gayunman, binigyan-diin ng SC, na dapat iwasan ng Senado ang “undue delay” sa impeachment trial.
Naging mainit ang usapin sa kahulugan ng “forthwith” sa impeachment case laban kay Duterte noong nakaraang taon nang iakyat ng Kamara sa Senado ang kaso sa ilalim ng liderato ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Hindi nagkaroon ng paglilitis ang Senado nang magpasya ang SC at idineklarang labag sa Konstitusyon ang articles of impeachment na ipinadala ng Kamara. -- Giselle Ombay/FRJ GMA News
