Natupok ng lumalagablab na apoy ang nasa 15 kabahayan sa NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City madaling araw ng Huwebes. Kasama sa imbestigasyon ang alegasyon ng ilang residente na sinadya umano ang sunog.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing mabilis na kumalat ang apoy na ikinabulabog ng mga residente bandang 1 a.m.
Magkakadikit at gawa sa light materials ang mga bahay, samantalang gumapang ang apoy sa loob ng mga eskinita.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection sa ikatlong alarma ang sunog, na nirespondehan ng 25 firetruck.
Bayanihan ang mga residente sa pagsasalba ng kanilang mga personal na gamit at mga paninda, habang gumamit na rin ng hagdan at pumuwesto sa mga bubong ang ibang bumbero para malapitang makapagbuga ng tubig.
Nanumbalik ang takot sa mga residente, matapos masunugan ang marami nilang kapitbahay noong Marso 6.
Naapula ang sunog makaraan ang mahigit isang oras.
Patuloy na inaalam ng Bureau of Fire Protection ang kabuuang bilang ng mga pamilyang naapektuhan, at iniimbestigahan din ang pinagmulan ng apoy.
“Sa initial investigation po ng ating mga imbestigador, galing po sa isang partially damaged na bahay 'yung nasunog noong nakaraan pero walang nakatira, bakante. At wala rin supply ng kuryente,” sabi ni Fire Inspector Robert Maravilla, Commander ng BFP QC Station 4.
Ayon naman sa ilang residente, sinadya umano ang sunog. Kamakailan, binigyan umano sila ng lokal na pamahalaan ng hanggang Mayo 30 para umalis dahil tatayuan ng vertical housing ang lugar.
“Talagang sinadya na kasi, pinapaalis na nga talaga kami diyan. Pa-volunteer na nga ka sana kami, may usapan na kami diyan sa City Hall. Nagulat na lang kami, biglang nasunog,” sabi ni Luzviminda Martinez, residente.
“Pumayag na kami noong meeting namin na aalis kami. Pumayag din kami doon sa ibinigay nila magbabaklas kami ng bahay namin. Tapos kailangan pa ganyanin kami,” sabi ni Rosie Honrada.
Tinutulan ng mga taga-barangay ang hinala ng mga residente. Nagkaroon ng araw ng dalawang pulong ang mga residente sa Quezon City Government kung saan sila ililipat.
“Hindi naman siguro, wala namang nananadiya. Baka mamaya, marami kasing pumapasok diyan na mga nangangalakal, nagsusunog ng mga tanso. Kaya hindi pa namin alam kung ano talaga 'yung pangyayari,” sabi ni Kapitan Ricardo Villaflor ng Barangay Pinyahan.
“Ongoing investigation pa po tayo. Alamin po natin 'yung katotohanan sa sinasabi na ganiyan, na sinadya,” sabi ni Maravilla.
Nitong umaga, ilang residente ang bumalik para maghanap kung mayroon pa silang mapakikinabangan.
Nakikipag-ugnayan naman ang barangay sa QCDRMO para malaman kung saan posibleng ilikas ang mga residente na naapektuhan nitong madaling araw
Noon namang Marso 6, nagkaroon din ng malaking sunog sa NIA Road kung saan ang mahigit 2,300 mga pamilya. Mga nasa evacuation center pa ang karamihan sa kanila.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng Quezon City Local Government tungkol sa alegasyon ng ilang residente na sinadya umano ang sunog. — Jamil Santos/RSJ GMA News
