Itinalaga sina Kris Bernal at Chariz Solomon bilang mga ambassadress ng Mrs. Universe Philippines 2026.

Sa Instagram, ibinahagi ng Sparkle GMA Artist Center ang mga larawan ng dalawang aktres na ina habang suot ang kanilang mga sash at magkatulad na korona.

Kasal si Kris kay Perry Choi at may isa na silang anak na si Hailee.

Samantala, mayroon namang tatlong anak si Chariz na sina Apollo, Ali, at Andreas.

Nitong nakaraang buwan, kinoronahan si Fatima Figueroa Alvarez ng Pampanga bilang Mrs. Universe Philippines 2026. Kakatawanin niya ang Pilipinas sa Mrs. Universe 2026, na gaganapin sa Oktubre 24 sa Sri Lanka.

Noong 2025, nasungkit ni Sugar Mercado ang titulong Mrs. Universe Official 2025. Natanggap din niya ang mga parangal na Best Talent, Best National Costume, at Best Long Gown sa kompetisyong ginanap sa San Pedro, Laguna. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News