Inilunsad ng Department of Health (DOH) at Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes ang isang reintegration program para sa nagbalik na mga overseas Filipino nurse at mga health worker na nais na muling magtrabaho sa Pilipinas.

Tinawag na "Sa Pinas Ikaw ang Nurse ng Bayan" (SPIB) ang programa, na layuning mabigyan ng pagkakataon ang mga nagbabalik na Filipino nurse at health worker na makahanap ng trabaho sa bansa.

Bukod sa pagtatatag ng isang evaluation at monitoring system para sa mga gumagawa ng polisiya, layunin din ng programa na magbigay ng psychosocial support upang matulungan ang mga kalahok sa kanilang paglipat ng trabaho sa Pilipinas mula sa ibang bansa.

Sa isang press briefing, sinabi ni DMW Assistant Secretary Francis de Guzman na karamihan sa mga unang nagparehistro sa programa ay mga nurse na naapektuhan ng kaguluhan sa Middle East.

"Du'n po sa nanggaling sa Middle East, 'yung latest namin na nakapag-sign up. We have profiled 312. Ito 'yung nakapag-Middle East na kakabalik lamang," sabi ni De Guzman.

Batay sa resulta ng DMW inbound profile survey sa mga na-repatriate na Pilipino, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, na nasa 60% hanggang 70% ng mga OFW na nagbalik mula sa Middle East ang nagpasyang umuwi sa Pilipinas para sa kanilang kaligtasan.

Sa kabuuang 10,000 na na-repatriate na Pilipino, 20% o humigit-kumulang 2,000 ay mga anak ng OFWs.

Samantala, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa, na ilan sa mga nagbalik na OFW ay natapos na ang kanilang kontrata at pinili nang hindi na mag-renew ng trabaho sa ibang bansa.

"Hindi naman tayo nauubusan ng nurses contrary to what is being reported in media," ani Herbosa.

Idinagdag ng kalihim na patuloy ding tumataas ang suweldo at social benefits sa mga nasa private and public healthcare sectors sa bansa.

Ayon kay Cacdac, ang SPIB ay katumbas ng programang "Sa 'Pinas, Ikaw ang Ma'am/Sir" (SPIMS), na naglalayong magbigay rin ng oportunidad sa mga lisensiyadong gurong OFW na nagbalik sa Pilipinas.

"Licensed school teachers who worked as OFWs, and now through the Department of Education and DMW, they have now been hired under the Philippine public school system, so they are back to teach," ani Cacdac

Inilunsad ang SPIB sa panahon ng 2026 Migrant Workers Health Summit na ginanap sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.

Ang health summit, na tatagal hanggang Miyerkules, ay nag-aalok ng libreng serbisyong medikal sa mga kalahok, kabilang ang:

  • hypertension and diabetes risk assessments
  • tuberculosis screening
  • cervical and breast cancer testing
  • measles and rubella vaccinations for OFWs and their children
  • discussions on mental health and nutrition

Nakilahok din sa pagbibigay ng serbisyo ang PhilHealth, Social Security System (SSS), at Professional Regulation Commission (PRC), kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

Ayon sa DOH, tinatayang 1,000 kalahok ang dadalo sa dalawang araw na health summit.— Mariel Celine Serquiña GMA News