Hindi itinanggi ni Jeric Raval na isang malaking hamon sa kaniya ang magkaroon ng 18 anak sa pitong babae. Ipinaliwanag niya kung bakit umabot sa ganoong karami ang kaniyang anak, at kung paano niya nasuportahan ang kaniyang mga pamilya.

Sa kaniyang guesting sa Kay Susan Tayo! Vlogs ni Susan Enriquez, pinasalamatan ni Jeric ang mga ina ng kaniyang mga anak dahil sa pagiging maunawain sa kanilang sitwasyon.

“Mababait sa akin ‘yung mga magulang. Kung hindi mabait ‘yun, matagal na akong patay,” saad niya.

Kabilang ang dating aktres na si Monica Herrera sa pitong babae na nagkaroon ng mga anak si Jeric.

Ayon sa aktor, tatlo ang naging anak nila ni Monica.

Pag-amin niya, sabay na nagbuntis noon si Monica, at ang asawa niyang si Holiday Buensuceso.

“Actually sabay sila. Buntis si Holiday, manganganak siya. Halos sabay nanganak ‘yun… Si Monica nanganak sa kapatid ng nanay ko sa US. Silang dalawa. Pagganu’n-gano’n (pabalik-balik) ako,” kuwento ng aktor.

“Kung isasa-pelikula mo buhay ko, comedy. Lalo na sa ospital, nu’ng nanganganak ‘yung isa, tatakbo ako doon (sa isa pa niyang babae). Ang gulo. Kasi Quezon City, ‘yung isa Pampanga, pagganu’n-gano’n (pabalik-balik) ako,” dagdag niya.

“Kaya ‘pag ‘yung isa manganganak sa Amerika, okay, magastos lang,” sabi pa ng aktor.

Para kay Jeric, naging ordinaryo na raw sa kaniya ang pagiging tatay.

“Kasi tuwing may nanganak noong araw, ordinaryo na lang sa akin. ‘Nanganak na,’ ‘Bukas,’ ‘Sige (tatango na lang)’. Sa pelikula lang ‘yung nakikita mong gaganon-ganu’n (na excited na kinakabahan), ‘Tatay na ako!,’”paliwanag niya.

Inilahad ni Jeric ang dahilan kung bakit dumami ang kaniyang mga anak.

“Ang istorya niyan, kung ba't dumami ‘yan nang dumami. Kahihintay kong may lumabas na lalaki. Puro babae, babae, babae,” sabi ni Jeric.

Ngayon, may anim na lalaking anak si Jeric.

Nang tanungin ni Susan kung bakit tila sumubra din ang mga lalaki niyang anak, “Masaya lang ako nu’n. Mapagbigay lang.”

“Anyway, nu’ng dumating na ‘yung mga lalaki, itinigil ko na,” dugtong niya.

Time management trabaho

Sa kabila nito, hindi hinikayat ni Jeric ang iba na gayahin siya.

“Hoy huwag niyo akong gagayahin ha. Mahirap ang time management, hindi uubra doon 'yung time management niyo,” paalala niya.

Ikinuwento ni Jeric na iginapang niya sa hirap ang kaniyang mga anak.

“Naku, gagapang ka sa hirap. Walang trabaho. Pero itinawid ko 'yung 18 na ‘yun sa panahon na patay ang movie industry.”

Sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak, ilan pa sa mga pinasukang raket ni Jeric ang pag--buy and sell ng sasakyan, build and sell ng bahay, pagkontrata ng mga trusses at mga bubungan.”

Nagraket din si Jeric ng pagkanta sa Japan.

“Pakanta-kanta ka lang, hindi ka marunong kumanta. Bawat pupuntahan namin na bar, tatlong kanta, lilipat na naman kami. Lagari rito, tatlong kanta roon, lagari doon. Ang kantang lagari namin, ganito kalalayo ha. Two months, three months, babalik na naman,” kuwento niya.

“Pupunta lang ako doon ‘pag may kasabay akong artistang babae. Kasi kung ikaw lang na lalaki, hindi ka panunuorin doon. Kailangan ang kasama mo, babae, para pag dumating yan, ang viewer Hapon, ang viewer Pinoy, may kasamang Pinay-Pinay, matutuwa naman doon,” paliwanag niya.-- FRJ GMA News